Tinanggal sa tungkulin ang Philippine Army (PA) officer na si Col. Audie A. Mongao matapos ang umano'y pagpapahayag ng pagbawi ng suporta kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., ayon sa kumpirmasyon ng military officials, nitong Biyernes, Enero 9.
Sa ulat ng Manila Bulletin, inilagay ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete, PA commanding general, si Colonel Audie A. Mongao, commander ng Training Support Group sa ilalim ng Training Command (Tracom) ng PA, sa ilalim ng “attached/unassigned (AU) status” na nangangahulugang pansamantala siyang tinanggal sa kaniyang kasalukuyang posisyon at walang aktibong assignment.
“By the direction of the Commanding General, PA, Col. Audie Mongao was immediately relieved from post and put into A/U status to give way for a thorough investigation by Training Command, PA,” saad ni PA spokesperson Col. Louie Dema-ala.
Naunang naiulat ng Balita na nag-post umano si Mongao ng pagbawi umano niya ng suporta sa Pangulo.
Maki-Balita: AFP Colonel, binawi umano ang suporta kay PBBM: 'Sobra na, tama na!'
Sinabi ng PA na si Mongao ay mahaharap sa mga kasong administratibo at maaaring humarap sa court martial para sa paglabag sa Articles of War, Article 96 o Conduct Unbecoming an Officer and Gentleman, na may parusang pagkakatanggal sa serbisyo kapag nahatulan.
“Other possible violations will still depend on the result of the investigation,” saad pa ni Dema-ala.