January 26, 2026

Home BALITA

Volunteers sa 'pahalik sa Nazareno,' binoldyak alegasyong nagpapasingit sila sa pila!

 Volunteers sa 'pahalik sa Nazareno,' binoldyak alegasyong nagpapasingit sila sa pila!
Photo courtesy: via MB

Itinanggi ng mga Hijos usher na nakatalaga sa Quirino Grandstand ang mga alegasyon ng ilang deboto hinggil sa umano’y pagsingit sa pila at pagpapatupad ng tinatawag na “prioritization system” para sa mga volunteers, kasunod ng pagsisimula ng tradisyunal na Pahalik sa imahe ng Jesus Nazareno na dinaluhan ng libo-libong deboto.

Ginawa ng mga usher ang pahayag matapos mag-viral ang mga larawan at ulat hinggil sa ilang indibidwal na nakasuot ng uniporme ng mga volunteer na nakitang sabay-sabay na pumasok sa grandstand kasama ang kanilang mga kasamahan at umano’y lumaktaw sa pila ng mga debotong nais maunang makalapit at makahalik sa imahe ng Nazareno noong Miyerkules, Enero 7, 2026.

Ayon sa mga Hijos usher, walang ipinatutupad na priority system sa naturang aktibidad. 

Nilinaw nila na ang mga naunang nakalahok sa Pahalik ay pawang mga volunteer na pinayagang magbigay-galang sa imahe bandang 5:00 ng hapon, bilang bahagi ng mga paghahanda bago ang opisyal na pagsisimula ng Pahalik.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Pinayagan naman ang pangkalahatang publiko na makibahagi sa Pahalik bandang 7:00 ng gabi, kasunod ng misa para sa mga volunteer na ginanap 6:00 ng gabi.

Samantala, sinabi ni Manila Police District (MPD) Spokesperson Maj. Philipp Ines na mahigit 5,000 deboto na ang dumagsa sa Quirino Grandstand hanggang alas-8 ng umaga nitong Huwebes, Enero 8, at inaasahang lalo pang dadami ang bilang ng mga deboto habang papalapit ang prusisyon ng Traslacion.