January 24, 2026

Home BALITA Metro

Red Cross, inihanda command post, emergency field hospital para sa Traslacion 2026

Red Cross, inihanda command post, emergency field hospital para sa Traslacion 2026
Photo courtesy: Philippine Red Cross


Nagtayo ang Philippine Red Cross (PRC) ng emergency field hospital (EFH) at command post bilang paghahanda sa paggunita ng taunang Pista ng Poong Hesus Nazareno.

Sa ibinahaging social media post ng PRC noong Miyerkules, Enero 7, inilahad din nilang kasama ng EFH ang 15 doktor at 40 na mga nars upang sumaklolo sa mga medikal na pangangailangan ng mga deboto.

“Narito na ang Emergency Field Hospital ng Philippine Red Cross para sa Nazareno 2026! Ang EFH ay may 50-Bed Capacity na mayroong Emergency Room Management Area at Ward Area,” saad ng PRC.

Dagdag pa nila, “Magkakaroon din ng mga on duty medical personnel, kabilang ang 15 Doctors at 40 nurses simula Huwebes ng Gabi hanggang sa matapos ang selebrasyon. Nakahanda ang EFH para magbigay tulong sa mga deboto na mangangailangan ng atensyong medikal sa pamamagitan ng mga gamot at kagamitan nito.”

Sa hiwalay na social media post nito namang Huwebes, Enero 8, ipinakita ng PRC ang command post na kanilang itinayo bilang katuwang ng EFH sa mga pangangailan ng mga makikilahok sa naturang pista.

“Sa paghahanda para sa Nazareno 2026, nagtatayo na ng command post na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan, malapit sa Manila City Hall ang inyong Philippine Red Cross,” anang PRC.

Saad pa nila, “Handa sa anumang pangyayari at mabilis na makapagbibigay ng first aid, emergency medical services, welfare services at suporta sa lahat ng deboto. Nawa'y maging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng bawat isa. Ang inyong kaligtasan ang aming prayoridad.”

Matatandaang magpapadala rin ng higit 18,000 uniformed personnel ang Philippine National Police (PNP) upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa taunang Pista ng Poong Hesus Nazareno.

MAKI-BALITA: Gun, liquor, firecracker ban itataas sa Maynila; higit 18k uniformed personnel ide-deploy para sa Traslacion 2026-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA