Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magpatupad ng “general amnesty” para sa mga hindi nakapagbayad ng kontribusyon mula 2023 hanggang 2024.
Ayon kay PBBM, sa inilabas niyang video statement sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Enero 8, sinabi niyang kasama sa pupuntiryahin ng PhilHealth ang mga negosyante, private employer, at mga self-employed na magbigay ng kanilang mga “missed contributions.”
“Sa aming patuloy na tumulong sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa tinatawag nating health care, ay inutusan ko ang PhilHealth na magpatupad ng ‘General Amnesty’ para sa mga negosyante, private employer, mga self-employed na hindi nabayarang kontribusyon sa PhilHealth,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Alam naman namin na ‘yong three (3) percent na binabayad para sa PhilHealth na buwan-buwan ay ramdam na ramdam ng ating mga kababayan.”
Ani PBBM, gagawa raw sila ngayong taon 2026 ng tinawag nilang “one-time waiver” para magbigay ng isang tao sa mga nasabing sektor upang bayaran ang kanilang mga “missed contributions” mula noong 2013 hanggang 2025.
“Kaya’t gagawa tayo, at inutusan ko ang PhilHealth, gagawa tayo ditong taon na ito (2026) ang tinatawag naming ‘one-time waiver’ para sa interes ngayong taong 2026,” aniya.
“Bibigyan natin ang ating mga employer ng isang taon para mabayaran na lahat ng mga missed contributions mula 2013 hanggang 2024,” paglilinaw pa niya.
Makakatulong raw ito sa aabot na 300,000 na bilang ng mga benepisyaryo sa PhilHealth.
“Sa kalkulasyon namin, ito ay makakatulong sa mga tatlong daang libo (300,000) na mga benepisyaryo,” saad niya.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga employer at empleyado nito na ma-rehistro sa Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Program sa PhilHealth.
“Hinikayat din natin ang ating mga employer na i-update na ang lahat ng information ninyo at i-rehistro ang mga empleyado ninyo sa ‘Yaman ng Kalusugan’ o ‘yong ating tinatawag na ‘YAKAP Program,’” ‘ika niya.
“Ito ay patuloy naming ginagawa upang pagaanin ang dala ng ating mga kababayan tungkol nga sa mga healthcare cause at sa lahat ng mga iba’t ibang hamon na hinaharap ng ating mga kababayan araw-araw,” pagtatapos pa ng Pangulo.
MAKI-BALITA: Palasyo, ibinidang sa PBBM admin lang nangyari pagsasauli ng kickbacks ng mga 'korap'
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga item na na-veto ni PBBM mula sa 'Unprogrammed Appropriations' ng 2026 nat'l budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita