Iniulat ng Philippine National Police Women and Children’s Protection Center (PNP-WCPC) ang pagtaas ng mga kaso ng pagbebenta ng mga sanggol online noong 2025.
Ayon kay WCPC Chief Brigadier General Maria Sheila Portento, walong katao ang naaresto noong nakaraang taon dahil sa pagbebenta ng kanilang mga anak, mas mataas kumpara sa limang naitala noong 2024.
Dagdag pa niya na mabilis na kumalat ang naturang modus dahil sa pagiging madaling ma-access ng mga online platform. Aniya, halos anumang bagay ay maaari nang ibenta online, kabilang ang mga bata, na aniya’y lubhang nakababahala.
Patuloy naman ang isinasagawang cyberpatrolling ng WCPC at mahigpit ang koordinasyon nito sa mga social media platform upang ipatanggal ang mga post na nag-aalok ng pagbebenta ng mga sanggol.
Batay sa imbestigasyon, ang pinakakaraniwang dahilan na ibinibigay ng mga suspek ay ang kawalan nila ng kakayahang suportahan ang kanilang anak. Gayunman, iginiit ni Portento na may legal na opsyon ang mga magulang na hindi kayang mag-alaga ng bata sa pamamagitan ng paglalagay nito sa proseso ng legal na pag-aampon sa ilalim ng National Authority for Child Care.
Nilinaw din ni Portento na ang datos ng WCPC ay nakabatay lamang sa mga operasyon ng kanilang yunit at hindi saklaw ang mga kasong posibleng naganap offline o hindi sa pamamagitan ng internet.
Kaugnay nito, iniulat ng WCPC ang pagkakaaresto sa isang 17-anyos na ina na umano’y nagtangkang ibenta ang kaniyang isang buwang gulang na sanggol sa halagang ₱55,000 sa isang entrapment operation sa isang fast-food restaurant sa Quezon City noong Martes, Enero 6, 2025.
Ang sanggol at ang menor de edad na ina ay isinailalim sa pangangalaga ng city social services.
Nahaharap ang teenager sa posibleng kaso ng human trafficking at paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Noong Hulyo 2025, nanawagan din ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan na paigtingin ang pagmamanman at regulasyon sa mga online platform, palakasin ang kakayahan sa surveillance at imbestigasyon, at tiyakin ang mabilis na pag-uusig at pagkakakulong ng mga sangkot sa pagbebenta ng mga bata.