Nagpahayag ng pagluluksa at pakikiramay ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa naulilang pamilya ng gurong nahimatay at namatay sa kalagitnaan ng kaniyang class observation sa isang paaralan sa Muntinlupa City.
Ayon sa mga ulat, nagtuturo ang guro sa harapan ng klase at dalawang observer nang bigla siyang makaramdam ng pagkahilo, hanggang sa mahimatay at matumba sa sahig na ikinabagok naman ng ulo niya.
Isinugod siya sa ospital subalit binawian din ng buhay ilang oras lang ang lumipas.
Kaugnay na Balita: Guro, patay matapos mahimatay habang nagka-class observation sa kaniya
Mababasa naman sa post sa opisyal na Facebook page ng TDC noong Miyerkules, Enero 7, ang kanilang pakikiramay para sa pamilya ng guro.
"The Teachers’ Dignity Coalition extends its deepest condolences to the bereaved family of Madam Agnes Buenaflor, who devoted her professional life as a teacher at Pedro E. Diaz High School in Muntinlupa City and dedicated herself to guiding and shaping the city’s young people. We honor her dedication and commitment to learners and to public education, as we join her family, friends, colleagues and students in mourning her untimely passing," anila.
Ayon sa TDC, nakikipag-ugnayan na ang kanilang Muntinlupa chapter sa pamunuan ng paaralan at mga opisyal ng dibisyon upang malinawan ang mga pangyayari, magbigay ng suporta sa mga apektado, at tiyaking ang mga susunod na hakbang ay may gabay ng malasakit at pananagutan.
Kaugnay ng insidenteng iniulat na naganap habang may nakatakdang classroom observation, muling nanawagan ang TDC sa Department of Education (DepEd) na agarang repasuhin ang mga polisiya nito hinggil sa classroom observation bilang bahagi ng performance rating ng mga guro.
Giit ng grupo, bagama’t maaaring isagawa periodically ang classroom observations, dapat itong manatiling nakasupora at nakatuon sa pagpapabuti ng pagtuturo ng guro, at hindi maging porma ng parusa o mapanghusgang mekanismo na sumusukat sa halaga o kakayahan ng guro.
Dagdag pa ng TDC, ang mga guro, alo na ang mga beterano o seasoned teachers, ay mga propesyonal na may sapat na pagsasanay at hindi dapat paulit-ulit na ipasailalim sa mga sitwasyong nagdudulot ng labis na stress at dagdag na pasanin sa trabaho.
"In light of the circumstances surrounding the incident—reported to have occurred during a scheduled classroom observation—the TDC reiterates its call on the Department of Education (DepEd) to urgently review its policies on classroom observations as an integral part of the teachers’ performance rating system," anila.
"Classroom observations, while they may be conducted periodically, must be implemented primarily as a supportive and developmental process aimed at improving pedagogy—not as a punitive or judgmental mechanism to determine a teacher’s worth or capability. Teachers, especially seasoned ones, are trained professionals who should not be made to repeatedly prove their competence under conditions that may unduly add to their stress and workload."
Nanawagan din ang koalisyon sa pamahalaan na tiyakin ang mabuting kalusugan at kapakanan ng mga guro sa pamamagitan ng libre, madaling ma-access, at de-kalidad na serbisyong medikal; iginiit nilang ang maayos na kalagayan ng mga guro ay mahalaga sa epektibong paghahatid ng pampublikong edukasyon.
Sa huli, binigyang-diin ng TDC na ang trahedyang ito ay malinaw na paalala sa pangangailangan ng makatao, makabuluhan, at tunay na developmental na mga polisiya na nagtataguyod sa dignidad, tiwala, at kapakanan ng mga guro.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang DepEd tungkol sa isyu.