Tumaas sa 4.4% ang kawalan ng trabaho sa bansa noong Nobyembre 2025 mula sa 3.2% sa kaparehong buwan noong 2024, matapos maparalisa ng mga bagyong Tino at Uwan ang iba’t ibang sektor, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa Labor Force Survey, umabot sa 590,000 ang nawalang trabaho noong Nobyembre 2025 lamang, dahilan upang tumaas sa 2.25 milyong Pilipino ang walang trabaho sa naturang buwan mula sa 1.66 milyon noong nakaraang taon.
“November if you recall, may dalawang major typhoons tayo na nakaapekto talaga sa ating bansa. Yung Tino very wide yung coverage saka Uwan… so partly kasi doon tayo nagkaroon tayo ng impact sa accommodation and food service activities saka yung retail trade,” pahayag ni National Statistician Claire Dennis Mapa sa isang press briefing noong Miyerkules, Enero 7, 2026.
“Ang reading namin is that because of these typhoons, nagkaroon ng slowdown in economic activities related to tourism – sa accommodation and of course, sa retail trade,” dagdag pa ni Mapa.
Pinakamalaking bawas sa trabaho ang naitala sa sektor ng turismo, kung saan nagtanggal ng kabuuang 309,000 empleyado ang mga restaurant at hotel, ayon sa datos.
Sinabi pa ni Mapa na nagbawas ng 76,000 manggagawa ang mga negosyong nagbibigay ng short-term stays, habang 23,000 naman ang nawalang trabaho sa event catering.
Nabawasan din ng 300,000 ang mga trabaho sa wholesale at retail trade, habang umabot sa 250,000 ang pinagsamang job cuts sa iba’t ibang service activities, kabilang ang wellness services at pagkukumpuni ng household appliances, gayundin ang home at garden services.
Nagbawas din ng 150,000 manggagawa ang mga pabrika, karamihan ay may kinalaman sa pag-assemble ng semiconductors at electronic components, ayon sa PSA.
Nadismaya naman ang mga umaasang lilikha ng mas maraming trabaho ang papalapit na Kapaskuhan, kahit pansamantala lamang.
“The expectation is that year-on-year magkaroon tayo ng pagtaas kasi nga it’s the ber months,” ayon kay Mapa.
Sa kabila nito, bumaba ang underemployment rate—na tumutukoy sa mga may trabaho ngunit naghahanap ng mas mahabang oras ng trabaho—sa 10.4% mula sa 10.8% noong nakaraang taon.