Sa kabila ng mahabang biyahe, mahal na pamasahe, at limitadong bakasyon, walang mintis sa kalendaryo ang ika-9 ng Enero para kay Janrick Ibarra, 31-anyos, isang overseas Filipino worker (OFW).
Taon-taon, inuuwi siya ng kaniyang panata—ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
Mahigit isang dekada nang nagtatrabaho si Janrick sa Taiwan bilang technician. Ngunit sa tuwing sasapit ang Kapistahan Jesus Nazareno, inuuna niyang magbakasyon upang makasama ang milyon-milyong debotong dumadagsa sa Quiapo. Para sa kaniya, hindi lang ito tradisyon kundi isang personal na pasasalamat at panata.
Ayon sa kaniya, nagsimula ang kaniyang debosyon matapos niyang maranasan ang isang mabigat na pagsubok noong kolehiyo pa lamang daw siya. Kuwento ni Janrick, nag-iisang anak lang daw siya ng kaniyang mga magulang, na kapuwa magkasunod na pumanaw noong 2014.
Matapos pumanaw, naiwang mag-isa si Janrick sa buhay na tanging ang natira na lamang daw sa kaniya noon ay ang kaniyang edukasyon. Sa gitna ng kawalan ng kasiguruhan, kumapit siya sa panalangin at humiling ng lakas ng loob sa Poong Nazareno.
“Doon ko naramdaman na hindi ako nag-iisa,” ani Janrick.
Noong walang mapuntahan at matuluyan, napadpad daw siya sa simbahan ng Quiapo. Nakatagpo ng mga hijos na nag-impluwensya sa kaniya na mas lalong mamanata sa Jesus Nazareno, hanggang sa siya ay makapagtapos at palaring makapag-abroad.
“Simula noon, ipinangako ko na kung bibigyan ako ng panibagong pagkakataon, uuwi ako taon-taon para sa Traslacion.”
Tuwing araw ng prusisyon, maaga pa lamang ay pumipila na siya para sa Pahalik o kaya’y nakikisabay sa dagsa ng mga debotong humahawak sa lubid ng andas. Hindi hadlang ang init, siksikan, o pagod. Para kay Janrick, bahagi ito ng sakripisyo at panata.
Hindi rin madali ang kanyang desisyon. Kadalasan, kailangang pag-ipunan ang pamasahe at isakripisyo ang pahinga. Ngunit para sa kaniya, ang ilang araw na pagod ay maliit na kapalit ng kapayapaang nararamdaman niya matapos ang Traslacion.
Sa paglipas ng mga taon, ay nagkaroon na rin siya ng sariling pamilya. Para kay Janrick, ipinangako niya na sa kaniyang sarili na hindi na dadanasin ng anak niya ang hirap na pinagdaanan niya—ngunit may isa raw siyang hiling na nais ipasa rito.
“Palagi ko pong ipinagdarasal na sana, dumating din yung pagkakataon na makilala niya ang Jesus Nazareno sa buhay niya. Ayokong ipilit, gusto ko, siya mismo ang makatuklas kahit magaan ang buhay na naibigay namin sa kaniya,” saad ni Janrick.
Habang patuloy ang prusisyon at umaalingawngaw ang sigaw ng “Viva Señor!”, dala ni Janrick ang paniniwalang saan man siya dalhin ng trabaho, mananatiling buhay ang kaniyang debosyon.
Sapagkat para sa kaniya, ang Traslacion ay hindi lamang isang paglalakbay sa kalsada ng Maynila, kundi isang paglalakbay ng pananampalataya na paulit-ulit niyang binabalikan—taon-taon, saan man siya naroroon.