Inaresto ng pulisya ang isang babae na nagpakilalang vlogger mula sa Bacolod City matapos umanong manigarilyo, dumura sa mga deboto ng Señor Santo Niño at manakit ng isang pulis madaling-araw ng Huwebes, Enero 8, 2026, sa Osmeña Boulevard, Cebu City.
Batay sa kuha ng video na kumalat online, makikita ang isang pulis na sinusubukang pakalmahin ang babae, ngunit sa halip ay hinampas niya ito gamit ang kaniyang bag.
Naganap ang insidente sa bahagi ng dinaanan ng taunang “Penitential Walk with Jesus,” ang relihiyosong aktibidad na nagbukas sa Fiesta Señor 2026.
Inamin ng babae na siya ay nakainom ng alak, dumura sa mga debotong kasali sa prusisyon, at nanira ng mga nakaparadang motorsiklo gamit ang isang matulis na bagay, bagaman hindi na ito nasama sa kuha ng naturang video.
Dinala ang babae sa kustodiya ng Abellana Police Station. Sa detention center, muli niyang inamin na siya ay lasing noong mangyari ang insidente at nakasakit ng isang pulis habang siya ay inaaresto.
Matapos mahimasmasan, humingi ng paumanhin ang babae sa publiko at nagpahayag ng pagsisisi sa kaniyang mga ginawa. Sinabi niyang siya ay isang vlogger mula sa Bacolod City, Negros Occidental, at kasalukuyang nag-aaral ng abogasya sa isang unibersidad sa Cebu City.
Umiiyak din ang babae habang ipinapahayag ang pangamba na ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kaniya ay makaaapekto sa kaniyang pag-aaral at pananatili sa Cebu. Humingi siya ng ikalawang pagkakataon at nangakong hindi na mauulit ang insidente.
Gayunman, sinabi ng pulisya na nakahanda silang magsampa ng mga kasong resistance and disobedience to a person in authority at damage to property laban sa suspek.