January 25, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit itim ang kulay ng Poong Hesus Nazareno?

ALAMIN: Bakit itim ang kulay ng Poong Hesus Nazareno?
Photo courtesy: Quiapo Church (website)

Sa nalalapit na Enero 9, muling dadagsain ng libo-libong deboto ng Señor Nazareno ang ilang lugar sa Maynila para ipagdiwang ang Pista ng Poong Hesus Nazareno, na isa sa mga malawakang relihiyosong pagdiriwang sa bansa. 

Tuwing Enero 9, pinuprusisyon ang imahe ng Poong Hesus Nazareno mula sa Quirino Grandstand hanggang sa Basilika Menor o Simbahan ng Quiapo, na kilala rin sa tradisyunal na tawag na “Traslacion.” 

Ipinakikita sa Traslacion ang pag-enact ng paglipat ng imahe ng Poon mula sa Intramuros hanggang Simbahan ng Quiapo noong 1787. 

Bukod sa mahabang kasaysayan ng pinagmulan, isa sa mga pinag-uusapang aspeto sa pagdiriwang ng pistang ito ay ang mismong kulay ng Poon. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

Ang pinakakinikilalang teorya ng maraming Pinoy ay ang pangingitim ng imahe dahil sa pagsiklab ng sunog sa galleon na kinalalagyan nito noong ibinabyahe ito papunta sa Pilipinas. 

Base naman sa pag-aaral na ibinahagi ni Msgr. Sabino Vengco ng Loyola School of Theology sa media, ginawa rin daw talagang itim ang imahe ng Poon dahil gawa ito sa mesquite, na isang kilalang uri ng kahoy sa Mexico. 

Ayon pa sa pag-aaral, ang mesquite ay isang maitim na kahoy, na maihahalintulad sa kamagong, sa Pilipinas. 

Sa inilathalang artikulo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Encyclopedia of Philippine Art, kasama na rin sa mga dahilan kung bakit itim ang imahe ng Poong Hesus Nazareno ay dahil na rin sa tagal ng panahon, at palagiang pagpupunas ng mga langis at pabango, na parte ng debosyon at tradisyon para magbigay-galang dito. 

Sa kabila ng mga teorya hinggil sa itim na kulay ng Poon, pinaniniwalaan na dahil dito, mas nakikita ng mga deboto ang kasipagan, pagtitiyaga, at katatagan sa kabila ng kahirapan ng buhay, na ilan sa mga kaugaliang tatak-Pinoy. 

Matatandaang mula sa nakagawiang tawag na “Itim na Poong Hesus Nazareno” o Black Nazarene, ipinaliwanag ng mga opisyal ng Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno o Quiapo Church noong nakaraang Enero 2025 na “Poong Hesus Nazareno” o Jesus Nazarene na ang itatawag sa Poon. 

Ito’y dahil hindi klaro kung saan talaga nagmula ang pagtawag ng “Itim na Nazareno” o Black Nazarene, kaya inabiso na lamang ng Simbahan na tawagin ang Panginoong Hesus sa Kaniyang pangalan.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit inalis ang salitang ‘Itim’ sa pangalan ng ‘Poong Hesus Nazareno’?

KAUGNAY NA BALITA: Ang 400 taong kasaysayan ng Jesus Nazareno at ang pananampalataya ng mga Pilipino

Sean Antonio/BALITA