January 26, 2026

Home SHOWBIZ

'Tinupad ko promise ko kay Lord!' Darryl Yap ibinahagi 'dishonesty' niya sa Honesty Store noon, pero bumawi na

'Tinupad ko promise ko kay Lord!' Darryl Yap ibinahagi 'dishonesty' niya sa Honesty Store noon, pero bumawi na
Photo courtesy: Darryl Yap (FB)

Ibinahagi ng direktor na si Darryl Yap ang isang personal na kuwento matapos aminin ang ginawa niyang “dishonesty” sa sikat na "Honesty Store" sa Batanes noong 2018, na aniya, ay isang pagkakamaling kaniyang itinuwid makalipas ang walong taon.

Ang Honesty Store ay isang maliit at natatanging tindahan sa bayan ng Ivana, Batanes na kilala dahil wala itong mga nagtitinda o bantay, kaya masusukat talaga ang katapatan ng mga bibili rito.

Nakalagay lamang sa mga bukas na estante ang mga panindang tulad ng biskwit, inumin, at iba pang simpleng pagkain, at ang mga bumibili ay inaasahang kumuha lamang ng kailangan, bayaran ang tamang halaga, at ihulog ang bayad sa isang kahon o garapon.

Lahat ng proseso, nakabatay lamang sa tiwala. Salig ito sa simbolo ng kultura ng katapatan ng mga Ivatan, na kilala sa kanilang disiplina, integridad, at malasakit sa kapwa. Isa ito sa mga tourist attraction sa Batanes.

Elijah Canlas, ilang beses ‘inechos’ ng filmmakers

Sa isang mahabang Facebook post nitong Miyerkules, Enero 7, ikinuwento ni Yap na unang beses niyang nakarating sa Batanes matapos raw manalo ang kaniyang team sa CLTV Sine Gitnang Luzon Originals Short Film Festival, kung saan bahagi ng premyo ang isang biyahe sa naturang lalawigan.

Ayon pa sa direktor, dumating sila sa Batanes sa panahong siya ay "broke" sa pera at "broken-hearted" pa dahil nagtapos daw ang seven-year relationship niya noon, bukod pa sa wala pang pera. Inamin pa ng direktor na nagkaroon siya ng "suicidal tendencies" dahil sa mga pinagdaanan noon.

"Pagdating sa Batanes, akala ko maiinspire ako—kaso sakto— black lahat ng hills sakto raw na nagsusunog at naglilinis lahat;

lalo akong nadepress. Pero nung sinabi nung tricycle driver na ganun talaga para makapagsimula ulit—nakaramdam ako ng pag-asa," aniya.

Ibinahagi ni Yap na dahil sa kakapusan, nagkasya lamang sila sa murang bedspace at limitadong pagkain nang nasa Batanes na sila.

Bago umalis ng isla, nagtungo sila sa Honesty Store, isang tindahang walang bantay at nakabatay lamang sa tiwala ng mga mamimili. Dito, inamin ng direktor na kumuha siya ng biskuwit at softdrinks na hindi niya nabayaran dahil sa matinding gutom at kawalan ng pera.

Ayon kay Yap, matapos ang insidente ay nagtungo sila sa katapat na St. Joseph of Ivana Church, kung saan siya umano’y nagdasal at humingi ng tawad.

Nangako rin siya na babalik balang araw upang bayaran ang kanyang kinuha—higit pa umano sa halaga nito—kapag siya ay pinalad sa buhay.

"Doon, nagsabi ako kay Lord, na di ako naging Honest sa Honesty Store—sabi ko kay Lord: 'Lord, gawin mo naman akong mayaman, ayaw ko namang kunin yun kaso gutom na gutom ako—promise ko Lord, pag ginawa mo akong mayaman, di ako magiging madamot; Babalik ako rito ay babayaran ko yun ng mahigit pa sa 100x," aniya.

Binanggit ng direktor ang mga sumunod na pangyayari sa kaniyang karera sa nasabing pangako, kabilang ang pag-angat ng kaniyang film outfit, ang sunod-sunod na proyekto sa pelikula at digital platforms, at ang tagumpay ng ilan sa kaniyang mga obra sa takilya at online streaming.

"Pagkatapos nun. nagviral na ang VinCentiments, pumirma na ako sa VIVA Films—mula 2019, nung nagbox-office yung #Jowable, nagkaNetflix ako, nagkapandemic, nilaunch ko ang Vivamax, nagtagumpay ang #MaidinMalacañang," saad pa niya.

Ngayong 2026, makalipas ang walong taon, sinabi ni Yap na nakabalik na siya sa Batanes upang tuparin ang kaniyang pangako: ibinalik at binayaran ang mga produktong hindi niya nabayaran noon.

Aniya, hindi lamang ito dahil sa mga biyayang kaniyang natanggap, kundi dahil ito ang tama at nararapat gawin.

"Pero ngayong 2026, 8 years after—nakabalik ako. Tinupad ko ang Promise ko kay Lord, hindi lang dahil tinupad nya ang dasal ko; kundi dahil yun ang tamang gawin," saad niya.

Dagdag pa ng direktor, muli rin siyang bumalik sa simbahan upang magpasalamat at magdasal, hindi na para sa yaman, kundi para sa kaniyang kasiyahan.

"Bumalik rin ako sa Simbahan—nagpasalamat at muling nagdasal sabi ko “Lord, ngayon naman po, gawin mo naman akong masaya," aniya pa.