Hayagang nagpahayag ng suporta si Sen. Robin Padilla sa isang signature campaign na naglalayong ipanawagan ang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nasa detention facility ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na personal at mapayapa ang naturang signature campaign at hindi ito bahagi ng anumang hakbanging pampulitika.
Ayon pa sa senador na kaalyado at tagasuporta ng dating pangulo, layunin umano nito na ipakita ang patuloy na suporta at pasasalamat sa mga nagawa ng dating pangulo para sa bansa.
“Tay’ Kami naman! Signature campaign. Mapayapa po ito, hindi pulitika bagkus ay personal na pagpapakita ng suporta at hindi nagmamaliw na pasasalamat sa mga nagawa sa Inangbayan ng ating 80 taong gulang na dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte,” saad ni Padilla sa kaniyang post.
Matatandaang nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano'y madugong kampanya laban sa ilegal na droga noong kaniyang administrasyon.
Patuloy namang iginiit ng mga kaalyado at tagasuporta ng dating pangulo na wala umanong hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas at nanawagan ng kaniyang agarang paglaya.
Kamakailan lamang, nagbigay naman ng update si Davao City. Rep. Paolo "Pulong" Duterte sa kalagayan ng ama habang nasa detention center.
Kasama ang kapatid na si Veronica "Kitty" Duterte, ikinuwento ni Cong. Pulong na hindi pa raw nakakakain ng tanghalian ang dating pangulo nang kanilang datnan sa ICC detention center.
Ayon pa sa kaniya, mahaba na ang buhok ng dating pangulo at halos buong umaga itong natulog bago sila dumating, dahilan upang doon pa lamang ito bumangon.
"Long hair na siya… wala na nagkaon paniugto kay natulog lang siya whole morning until nag-abot mi didto pa nagbango," anang kongresista.