Kasama ang kaniyang ama, sumuko na ang suspek sa pagpatay sa sarili niyang ka-live-in partner na isinilid pa niya sa storage box noong Enero 2, 2026.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ng babae sa loob ng storage box sa ilog sa Barangay Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte. Ibinyahe pa ito patungong Camarines Norte mula sa Laguna. Kinilala ang biktima na si Anelis Abamonga, 38, mula sa Barangay Bura, Catarman, Camiguin.
Samantala sa ulat ng ABS-CBN News nitong Miyerkules, Enero 7, sumuko na ang suspek sa pulisya kasama ang kaniyang ama.
Ayon kay Basud Municipal Police Station chief Police Capt. Mark Armea, natunton nila ang suspek sa Rosario sa Batangas na maayos namang sumuko.
Aniya, selos umano ang pinag-awayan ng magkasintahan.
Ikinuwento ng ama ng suspek sa ABS-CBN News na nagkita sila ng kaniyang anak sa Lucena, Quezon noong Enero 6 para pagplanuhan umano ang gagawing pagsuko.
"Para harapin niya yung kaniyang kasalanan, kung ano ang kaniyang kasalanan harapin niya para kako maging maluwag sa dibdib natin para kako hindi siya tago nang tago," saad nito.
Inamin din daw ng suspek sa ama na nakainom siya at aksidente umanong napatay ang babae.
"Sabi niya hindi niya raw sinasadyang maitulak ang babae dahil lasing na lasing siya dahil nag-away sila. Tapos pagbagsak daw, binubuhat niya ulit [pero] wala nang malay. Hindi niya raw alam ang gagawin niya.
Dagdag pa ng ulat, sumailalim na sa inquest proceeding ang suspek. Patuloy pa rin ang pagkalap ng ebidensya ng pulisya.