January 09, 2026

Home BALITA Metro

'Reckless driving?' LTO Chief Lacanilao, sumagot sa reklamo ni James Deakin

'Reckless driving?' LTO Chief Lacanilao, sumagot sa reklamo ni James Deakin
Photo courtesy: via MB/James Deakin (FB)

Usap-usapan ang Facebook post ng transport vlogger na si James Deakin laban sa Land Transportation Office (LTO) matapos umanong maipit ang kaniyang anak sa aniya’y magulo, mabagal, at hindi makatarungang proseso ng ahensya kaugnay ng isang traffic violation.

Sa isang mahabang Facebook post noong Enero 5, ikinuwento ni Deakin na sinikap niyang ituro sa kaniyang anak na si Daniel ang kahalagahan ng pagsunod sa batas-trapiko at pagdaan sa tamang proseso.

Ayon sa vlogger, in-enroll niya ang anak sa isang masinsinang driving course at tiniyak na dadaan ito sa lehitimong proseso ng pagkuha ng lisensya ng LTO, walang fixer at walang “padrino system.”

“I tried to teach my son today that following the rules is how things get better. The LTO, however, taught him something else,” ani Deakin sa kaniyang post.

Metro

Photojournalist, nasawi sa Traslacion 2026 coverage

Isinalaysay niya na ilang buwan matapos makuha ang lisensya, nagkamali umano ang kaniyang anak ng pagdaan sa double solid yellow lines sa Skyway Stage 3 matapos mahuli sa paglabas sa tamang exit.

Sinabihan umano niya ang anak na tanggapin ang tiket at harapin ang parusa nang maayos. Gayunman, laking-gulat daw ni Deakin nang makita sa ticket na bukod sa “improper lane change” ay may nakasaad ding “reckless driving.”

Ipinaliwanag ng vlogger na ang reckless driving ay may mas mabigat na implikasyon sa ilalim ng batas, kabilang ang posibilidad na maging criminal offense. Aniya, hindi umano makatarungan na ikategorya bilang reckless driving ang isang mabagal na lane violation ng bagong driver.

Mas lalo umanong lumala ang sitwasyon nang subukan nilang kunin ang lisensya sa LTO. Ayon kay Deakin, nakasaad sa ticket na may 15 araw upang ma-settle ang multa at ma-retrieve ang lisensya, subalit dahil sa mga holiday at pagsasara ng opisina, nahirapan silang mag-asikaso sa loob ng itinakdang panahon.

Dagdag pa niya, matapos magbayad ng multang ₱2,000, hiningan umano sila ng printed at photocopied na OR/CR ng sasakyan, kahit hindi kanila ang minamanehong sasakyan at nakasaad na ang detalye nito sa ticket.

“We still need it,” ayon kay Deakin na tugon umano ng LTO personnel, kahit iginiit niyang wala namang kinalaman ang OR/CR sa mismong paglabag.

Nang makabalik sila dala ang hinihinging dokumento, saka naman umano ipinaalam sa kanila na lampas na sila sa 15-day deadline at awtomatikong suspendido ng isang buwan ang lisensya ng kaniyang anak.

Dito raw, kinuwestiyon ni Deakin kung bakit kabilang sa bilang ng 15 araw ang mga holiday at araw na sarado ang tanggapan.

Binigyang-diin pa ng vlogger na sa ganitong sistema, tila mas nagiging “makatwiran” pa ang pagdaan sa fixer kaysa sa pagsunod sa tamang proseso.

“The harsh reality here is that the fixers become the most rational choice,” saad niya, sabay sabing ang pinakamasakit ay ang aral na natutunan ng kaniyang anak matapos niyang ipaglaban ang integridad at pagsunod sa batas.

Samantala, tumugon naman ang LTO sa pamamagitan ng hepe nitong si LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao, na nagsabing walang sapat na papeles ang sasakyang minamaneho ng anak ni Deakin.

Nangyari ang pagsagot ni Lacanilao sa isinagawang press briefing, umaga ng Miyerkules, Enero 7.

Ayon kay Lacanilao, importer papers lamang umano ang hawak ng driver at wala umanong sales invoice o OR/CR ang sasakyan.

“Ang kaniyang papel na dala-dala ay hindi nga po sales invoice, hindi rin OR/CR. Totally, wala pong papel ‘yong sasakyan kasi ‘yong papel na dala-dala nila is papel from the importer to the dealer."

"‘Yan ay hindi pa naibebenta sa labas, sa tao, at hindi ‘yan dapat minamaneho sa kalye kasi walang kaukulang papeles,” dagdag pa niya.

Aniya pa, ang pagmamaneho raw ng isang sasakyang hindi rehistrado ay maikokonsiderang reckless driving. 

Nilinaw rin ni Lacanilao na hindi raw criminal offense ang reckless driving kundi administrative violation.

Kasabay nito, iniutos din niya ang pansamantalang suspensyon ng mga LTO personnel na umano’y nasangkot, habang isinasagawa ang masusing pagsisiyasat hinggil sa alegasyong iregularidad sa pagproseso ng nakumpiskang driver’s license ng anak ni Deakin.

Patuloy namang umani ng reaksiyon mula sa netizens ang post ni Deakin, kung saan marami ang nagpahayag ng parehong karanasan at pagkadismaya sa sistema ng traffic enforcement at burukrasya sa bansa.

Samantala, muling nag-post si Deakin matapos makapanayam ng media tungkol sa isyu.

"As disappointed as I am in the LTO as a whole, I want everyone to know that I don’t condemn everyone in it. There are still good people there who don’t deserve the stigma. Not everyone should be tarred by the same brush," ani Deakin sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Enero 7.