January 24, 2026

Home BALITA

Pasabog ni Sen. Imee: Bagong impeachment case kontra kay VP Sara, ikakasa sa Feb. 6!

Pasabog ni Sen. Imee: Bagong impeachment case kontra kay  VP Sara, ikakasa sa Feb. 6!
Photo courtesy: via MB

Inihayag ni Sen. Imee Marcos noong Miyerkules, Enero 7, na inaasahan niyang may ihahaing panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte bago o sa Pebrero 6, 2026.

Sa isang panayam, sinabi ng senadora na siya ay magugulat kung walang maisusumiteng ikalawang impeachment complaint, batay sa umano’y umiiral na klima sa pulitika kaugnay ng 2026 national budget at sa mga patuloy na banta ng ilang grupo na muling magsampa ng kaso laban sa Bise Presidente. 

“Feb. 6 is the reckoning date for a second impeachment against VP Sara,” ani Marcos.

Kaugnay nito, muling kinuwestiyon ng senadora ang 2026 budget na dati na niyang tinawag na “giniling” o minced pork budget. 

National

Zaldy Co, kailangan munang umuwi ng bansa kung nais tumestigo vs PBBM—Rep. Luistro

Ayon sa kaniya, posibleng may kaugnayan sa pulitika, kabilang ang impeachment, ang malalaking alokasyon para sa iba’t ibang uri ng ayuda at infrastructure projects.

Tinukoy rin ni Marcos ang paglalaan ng pondo para sa mga programang pinansyal gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at sa maraming farm-to-market roads (FMRs), habang umano’y nabawasan ang pondo para sa ibang sektor.

“Bakit hindi na lang sundan yung mga plano at bigyang diin yung MUP—yung military and uniformed personnel, yung mga pensyon na kinaltasan, yung pensyon at benepisyo ng ating mga employees sa gobyerno,” ani Marcos, na binanggit na ang mga ito umano ang nabawasan upang pondohan ang mga assistance programs.

Nang tanungin kung saan siya nakatayo sa isyu at kung patuloy pa rin niyang sinusuportahan ang Bise Presidente, sinabi ni Marcos na tatayo siya bilang senator-judge sakaling umabot sa Senado ang reklamo bilang impeachment court.

“Well alam naman natin, na kaibigan natin ‘yan pero tulad ng lagi naming sinasabi, tatayong kami ng mga huwes sa impeachment and trial court kung maaabot sa ganoon,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, “At siyempre lahat yan magbabase sa ebidensya pero sa ngayon wala naman tayong nakikitang ebidensya pa, hindi ko alam kung ano ang gagamit na katibayan laban sa kanya, kung may bago ba, kung may mabigat ba, kung papayag ba sa kanilang proseso ang SC. Marami pa at very speculative pa tayo at this point.”