Inihayag ni Sen. Imee Marcos nitong Miyerkules, Enero 7, 2026 na patuloy pa ring ginagampanan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang kainyang tungkulin sa kabila ng halos dalawang buwang hindi pagdalo nito sa mga sesyon ng Senado.
Sa isang Zoom interview ng media, iginiit ni Marcos na patuloy na nagtatrabaho si dela Rosa at hindi umano makatarungan ang sinasabing “no work, no pay” laban sa senador.
“Ang alam ko nagtatrabaho pa rin kasi nakakapirma pa rin, eh. Pumipirma pa rin, nagtatrabaho pa rin. Kaya medyo hindi naman yata tama 'yong sinasabi na, 'no work, no pay,' because he's still working, sa totoo lang,” ani Marcos.
Nang tanungin kung anong mga dokumento ang tinutukoy niya, sinabi ni Marcos na nakapirma si dela Rosa sa ulat ng minority bloc kaugnay ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa umano’y flood control scandal.
Batay sa Senate website, nakapaghain din si dela Rosa ng ilang panukalang batas at isang resolusyon noong Disyembre 2025.
Hindi pa dumadalo si dela Rosa sa alinmang sesyon ng Senado mula noong Nobyembre 11.
Nagsimula ang kaniyang pagliban matapos ipahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang alegasyong may inilabas nang warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.
Hinikayat ni Marcos ang mga awtoridad na ipatupad na ang warrant kung totoo itong umiiral.
“Ang akin lamang ay bakit announce nang announce na mayroon nang warrant at parang tinatakot 'yong tao? Kung may warrant na, i-serve na. Bakit inuupuan? Ano bang timing ang inaasahan?” anang senadora.
Dagdag pa niya, “I'm not sure why they're dangling this like a Damocles sword over Senator Bato dela Rosa. I think it's unfair and, if the warrant is actually there, it should be issued, it should be served and responded to by the lawyers.”
Sinabi rin ni Marcos na hindi pa niya personal na nakakausap si dela Rosa at tanging ang asawa nitong si Nancy ang kaniyang nakakausap.
Si dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga noong administrasyong Duterte.