January 26, 2026

Home FEATURES Human-Interest

'Hangga't buhay, may pag-asa!' 59-anyos na lalaki, pumasa sa Bar Exams matapos 11th attempt

'Hangga't buhay, may pag-asa!' 59-anyos  na lalaki, pumasa sa Bar Exams matapos 11th attempt
Photo courtesy: Screenshot from GMA News/via EJ Regio (FB)

“Try lang. Hangga't buhay, may pag-asa.”

Ito ang tila naging mantra ng 59-anyos na si Eduardo Regio, na sa wakas ay nakapasa sa 2025 Bar Examinations matapos ang kaniyang ika-11 pagtatangka; isang patunay ng tiyaga at paninindigan sa pangarap na maging ganap na abogado.

Sa mga panayam ng iba’t ibang media outlet, ibinahagi ni Regio na una niyang sinubukan ang Bar Exam noong 1993, noong siya ay nasa edad 20 pa lamang.

Sa kabila ng sunod-sunod na kabiguan sa loob ng mga dekada, hindi niya tuluyang binitawan ang mithiin. Aniya, dumating ang panahong inisip niyang tuluyan nang magpaalam sa pangarap, ngunit nanaig pa rin ang pag-asang minsan pa niyang susubok.

Human-Interest

ALAMIN: Paano ititigil ang procrastination?

"1993, kumuha lang ako for the sake of taking. Then until 2005 no'ng na five strike, ‘yon ‘yong huling kuha ko. Nag-take ulit ako in 2015, but unluckily, 72.93%. Then sumunod, ganoon ulit, nag-try ako 2023, but 73.940 something,” sagot niya sa panayam ng GMA News.

Makalipas ang maraming taon, nagpasya si Regio na gawing huling pagkakataon ang kaniyang pagkuha sa 2025 Bar Examinations.

Ayon sa kaniya, dala niya ang paniniwalang kung hindi man siya pumasa, tanggap na niya ang magiging resulta. Gayunman, umaasa pa rin siyang gagantimpalaan ang kanyang mahabang paglalakbay.

"Sabi ko bigyan ko ng last try. Kasi sabi ko kahit papaano, hindi ako masyadong nakapaghanda noon. Tinuloy ko nag-request ako sa PUP, nag-review ako doon. Then ipinagkatiwala ko na sa Diyos. Kung ibibigay Mo, ibibigay Mo. Pag hindi wala na akong magagawa,” aniya.

Matapos ang pagsusulit, bumalik si Regio sa punong tanggapan ng Supreme Court, sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, upang personal na hintayin ang pag-anunsyo ng mga resulta. Doon niya nalaman na isa siya sa mga pumasa, isang sandaling aniya’y hindi niya malilimutan.