Nagbigay ng mga paalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa idaraos na Pista ng Poong Hesus Nazareno sa Biyernes, Enero 9.
Sa ibinahaging pahayag ng DILG noong Martes, Enero 6, sinabi nilang sila ay nakikiisa sa pagdiriwang ng taunang pista.
“Nakikiisa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga deboto at mananampalataya sa pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Poong Nazareno at pagsasagawa ng taunang tradisyon ng Traslacion sa Enero 9, 2026,” panimula ng DILG.
Saad pa nila, “Sa mahalagang okasyon na ito, nananatiling prayoridad ng DILG at ng Philippine National Police (PNP), ang kaligtasan ng lahat ng mga debotong makikiisa sa Traslacion.”
Siniguro din ng ahensya na handa ang sapat na bilang ng mga awtoridad upang panatilihin ang kaayusan sa taunang tradisyon.
“Bagaman walang natanggap na banta, mananatiling nakaalerto ang higit sa 15,000 kapulisan at ang mga force multipliers upang tiyakin ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga deboto,” anila.
Pagtitiyak pa nila, “Makaaasa po kayong may mga pulis sa mga ruta na dadaanan ng Mahal na Poong Nazareno.”
Pinaalalahanan din nila ang mga deboto at makikilahok hinggil sa mga regulasyon ng kapistahan, at pinayuhan din silang maging alerto sa posibleng paglipana ng mga kriminal at masasamang loob.
“Samantala, muli pong pinaaalalahanan ang mga deboto na ipinagbabawal ang mga matatalim at nakasusugat na bagay tulad ng payong, kutsilyo at iba pa. Bawal din po ang mga baril, paputok at pyrotechnic devices, mga lalagyang babasagin para sa tubig, at ang pagsusuot ng hoodie jackets at mga sombrero,” anang DILG.
Dagdag pa nila, “Nakatutok ang DILG at PNP sa mahalagang araw na ito ngunit mariin po naming pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na maging alerto laban sa mga kriminal at masasamang loob.”
“Sa pagsisimula ng taon, maging inspirasyon nawa ang Mahal na Poong Nazareno sa sama-sama nating pagkilos tungo sa isang mas maunlad at progresibong Bagong Pilipinas,” pagtatapos nila.
Matatandaang nagbaba rin ng ilang panuntunan ang mga awtoridad na dapat sundin ng mga deboto, upang masiguro ang kapayapaan sa Traslacion 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Gun, liquor, firecracker ban itataas sa Maynila; higit 18k uniformed personnel ide-deploy para sa Traslacion 2026-Balita
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga bagay na hindi dapat dalhin sa Traslacion 2026-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA