January 18, 2026

Home BALITA Metro

Binatilyong may autism, patay sa sunog!

Binatilyong may autism, patay sa sunog!

Isang 16-anyos na binatilyong may autism ang nasawi matapos siyang maipit sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Joaquin Santiago Street, Barangay Malanday, Valenzuela City noong Lunes ng umaga, Enero 5, 2026.

Ayon sa mga ulat, sa oras ng insidente ay wala sa bahay ang kaniyang mga magulang—namamasada ang ama bilang jeepney driver habang nasa Caloocan naman ang ina. 

Naiwan sa bahay ang biktima kasama ang dalawa pa niyang nakababatang kapatid nang sumiklab ang apoy bandang alas-8 ng umaga.

Sinubukan ng mga kapatid na ilabas ang biktima, subalit hindi ito sumama at nanatili sa loob ng bahay kahit mabilis nang kumakalat ang apoy.

Metro

Portalet sa palengke ng Parañaque, pinamahayan ng palaboy na babae

Nang tuluyang maapula ang sunog, natagpuan ang bangkay ng biktima sa unang palapag ng bahay. Bumagsak ang ikalawang palapag kung saan siya unang naipit habang tumitindi ang sunog.

Batay sa paunang impormasyon, posible umanong nag-ugat ang insidente sa isang lighter na ginagamit ng biktima bilang pampakalma.

Humingi ng tulong ang pamilya sa lokal na pamahalaan para sa cremation ng biktima at sa kanilang agarang pangangailangan matapos mawalan ng tirahan.

Umabot sa unang alarma ang sunog at tuluyang naapula makalipas ang halos isang oras. Apat na pamilya ang naapektuhan at pansamantalang naninirahan ngayon sa mga modular tent na inilatag ng barangay.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang lawak ng pinsalang dulot ng sunog.