Sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na wala pa silang natatanggap na anumang impormasyon kaugnay ng posibleng pagbuwag sa ahensya, sa kabila ng pahayag na ito umano’y bubuwagin sa susunod na buwan.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, noong Miyerkules, Enero 7, 2026, wala pang opisyal na abiso mula sa Malacañang hinggil sa usapin.
“We have not received any information or notice regarding this matter from Malacañan,” ani Hosaka.
Ang pahayag ni Hosaka ay tugon sa mga tanong ng media matapos sabihin ni Sen. Imee Marcos na may natanggap siyang impormasyon na bubuwagin na ang ICI sa Pebrero 1, bunsod umano ng sunod-sunod na pagbibitiw ng dalawang dating komisyoner na sina Rogelio “Babes” Singson noong Disyembre 15 at Rossana Fajardo noong Disyembre 31, 2024.
Sa kasalukuyan, iisa na lamang ang natitirang komisyoner ng ICI, si retired Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr., na siya ring chairman ng komisyon.
Itinatag ang ICI sa bisa ng Executive Order No. 94 at nakapagsumite ito ng walong referral cases sa Office of the Ombudsman matapos ang tatlong buwang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Bunga ng imbestigasyon, na-freeze ang mahigit ₱20.3 bilyong halaga ng mga ari-arian, kabilang ang 6,538 bank accounts, 255 sasakyang de-motor, 178 real properties, 16 e-wallet accounts, tatlong securities accounts, at 11 air assets gaya ng mga jet at helicopter.
Humantong din ang imbestigasyon sa pagkakaaresto ng contractor na si Sarah Discaya, asawa ng isa pang kontrobersyal na contractor na si Curlee, kasama ang mahigit isang dosenang iba pa na karamihan ay mga empleyado ng construction firms at ng Department of Public Works and Highways (DPWH).