Timbog sa isang operasyon noong Lunes, Enero 5, ang isang 48 taong gulang na lalaki sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal, matapos umano niyang paslangin ang isang construction worker.
Sa ulat na ibinahagi ng Rizal Police Provincial Office noong Martes, Enero 6, sinabi nilang nakatala raw ang suspek bilang Rank No. 6 Regional Most Wanted Person (MWP).
Base sa masusing imbestigasyong ikinasa ng mga awtoridad, matagal nang hinahanap ang suspek dahil sa kaugnayan umano nito sa isang pamamaril sa isang construction worker noong Enero 9, 2022 sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.
Naaresto ng warrant personnel ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS) ang suspek, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 175, San Mateo, Rizal, noong Oktubre 15, 2025, na walang inirerekomendang piyansa.
Ayon kay PCol. Feloteo Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal PPO, ang naturang aprehensyon ay isang tanda ng kanilang seryosong kampanya kontra kriminalidad.
“Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot sa batas ang mga indibidwal na sangkot sa mabibigat na krimen at banta sa kapayapaan ng ating mga komunidad,” saad pa niya.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Rodriguez MPS, at nahaharap siya sa kasong murder.
Vincent Gutierrez/BALITA