Ibinahagi ng Miss International 1979 at former Supermodel na si Melanie Marquez ang naranasan niyang pang-aabuso mula sa kamay ng asawa niyang si Randy “Adam” Lawyer sa loob ng higit dalawang dekadang pagsasama.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Lunes, Enero 5, inurirat si Melanie kaugnay saa pagpapakansela ng visa ni Adam at pagpapa-blacklist sa Bureau of Immigration (BI).
"When I got married, I wanted this marriage to last. I'm going to work very hard. Dream ko talagang magkaroon ng pamilya. But along the way, marami na siyang verbal abuse. Iniinsulto na niya ako emotionally, financially, and mentally," lahad ni Melanie.
Dagdag pa niya, "Magaling siyang magsalita. Palibhasa in love ako. Nagugulat ako na nakaka-receive ako ng subpoena. Idedemanda ako. Sabi ko, 'How come I have this case?' Tapos sasabihin sa akin, 'You're the one being sued not me.' But this is your business not mine. So do something about it.”
Ayon kay Melanie, may call center business umano si Adam na sinimulang itayo sa mismong bahay niya.
"But I never stepped into that company," paglilinaw niya.
Bukod dito, nagtrabaho din umano siya sa sakahan ni Adam na nakabase sa Amerika kung saan siya nakunan ng sanggol sa sinapupunan.
Ang lahat ng ito mula sa maliliit na bagay na ugat ng kanilang mga pag-aaway ay pinalampas lahat ng Melanie dahil sa pagmamahal niya kay Adam at kagustuhang magkaroon ng buong pamilya.
Hanggang sa dumating na sa punto na pinipisikal na siya nito. Minsan, isang gabi noong 2022, habang natutulog si Melanie, sinapak umano siya ni Adam sa bandang tenga. May insidente umano na tinutukan siya nito ng baril.
‘“Hindi ko alam,” sagot ni Melanie matapos tanungin kung bakit nagawa sa kaniya ni Adam ito. “Natutulog ako. Magkatabi kami. Akala ko napanaginipan ko na may sumuntok sa akin.”
“Tapos nakatingin siya sa akin. Then I sat down on the edge of the bed. Then sinipa ko siya para mahulog sa kama. Sabi ko, 'Why did you punch me?' Napikon ako at pumunta ako sa pulis," dugtong pa niya.
Sa parehong taon din umano nangyari ang pagdukot umano sa kaniya para dalhin sa isang mental facility. Gayunman, hindi niya tinukoy kung sino ang mga nasa likod nito.
Anang dating Supermodel, “My phone got hacked, and it's on my birthday. Nawala ako, inilagay ako sa mental hospital, thinking sira ang ulo ko when in fact I am taking care of my two boys. In-abduct nila ako. In-injection-an nila ako. I cannot move."
Matatandaang Hunyo 2000 nang ikasal sina Adam at Melanie. Nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Adam, Jr. at Abraham.
Ngunit bago ito ay nagkaroon na siya ng apat na anak sa iba pang mga lalaki kabilang na si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee at kapatid nitong Maxene Xuxa.