January 09, 2026

Home BALITA National

Sen. Imee sa umano’y ‘pambababoy’ sa 2026 budget: ‘Ang pork kahit gilingin, baboy pa rin!’

Sen. Imee sa umano’y ‘pambababoy’ sa 2026 budget: ‘Ang pork kahit gilingin, baboy pa rin!’
Photo courtesy: Senator Imee R. Marcos (FB), Presidential Communications Office (FB)

Idinetalye ni Sen. Imee Marcos ang umano’y mga “giniling at pambababoy” ng ilang mambabatas sa pambansang budget para sa 2026, kasabay ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa fiscal year (FY) 2026 General Appropriations Act (GAA).

KAUGNAY NA BALITA: ‘Mas magiging responsable kami!’ PBBM, tiniyak na tutuldukan katiwalian sa 2026 national budget

Sa skit na ginawa ng Senadora sa kaniyang social media noong Lunes, Enero 6, ipinakita ang pagbili niya ng karne ng baboy sa tindera na si “Aling Luzviminda.” 

Sa nasabing skit, sunod-sunod ang mga pasaring ni Imee sa pamamalakad ng ilang mambabatas sa likod ng pambansang budget, kasabay ng detalyadong paliwanag sa umano’y pagkakahati-hati ng mga alokasyon.

National

Triple jackpot! 3 lotto bettors panalo sa Super Lotto 6/49, Lotto 6/42

“Speaking of budget, minsan naisip ko, kaya siguro tinawag na ‘pork’ ang ‘pork barrel’ dahil madalas, talaga namang binababoy ng ilang mambabatas ang pondo natin,” patutsada ni Imee. 

Nang malaman na sinabi ni “Aling Luzviminda,” na ang karne ay tinatadtad at pinapaparte-parte, sinang-ayunan ito ng Senadora at nagpasaring na katulad ito ng umano’y ginagawa ng mga mambabatas sa pondo ng bayan, na ginigiling ang malalaking tipak para umano’y mas madaling sibain. 

“Ito DOTR Foreign Assistance Projects, sa original, nasa ₱121.5 billion, pagdating sa budget, nasa ₱49.2 billion na lang. ₱72.3 billion ang binawas, binawasan ang para sa Metro Manila subway, ‘yong North-South Commuter Train, tanggal din. Pondo para sa transportasyon, binakulaw. Kaya ang bansa, ang kupad ng galaw,” paliwanag ng Senadora sa alokasyon ng budget sa Department of Transportation (DOTR).

Sumunod ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH)  Foreign Assisted Projects na mayroon daw ₱70 bilyon sa original pero naging ₱17 bilyon na lamang sa budget. 

“Ayan na naman, DPWH Foreign Assisted Projects. Kasama na diyan ‘yong mga pumping station ng Metro Manila, Pasig-Marikina spillway, ‘yong Cavite-Bataan tulay, Negros na mga tulay, nako, ₱70 billion sa original, naging ₱17 billion na lang sa budget. ₱52.3 billion ang nawala, kaya ang ang proyekto, matabang,” ani Senadora. 

Aniya pa, kung may kaltas, mayroon naman daw dagdag. 

“Farm to Market Road, ‘yong dati, ₱16 billion, heto na, ₱33 billion [sa kasalukuyang budget], ₱17 billion ang nadagdag,” paliwanag ni Imee sa alokasyon sa Farm to Market Road. 

Sumunod ay ang Presidential Assistance to Farmers, na wala naman daw sa plano pero sa pambansang budget, may alokayon na ₱10 bilyon. 

Ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) naman daw na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay lubos na lumobo dahil sa pagdagdag dito ng ₱10.8 bilyon, dahil mula raw sa orihinal na alokasyong ₱14 bilyon, nasa ₱25 bilyon na raw pagdating sa budget. 

Ang “mahiwaga” naman daw na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay lumobo rin dahil mula raw sa ₱36.6 bilyon na orihinal na alokasyon, pagdating sa budget ay pumalo na sa ₱63.895 bilyon. 

Ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) naman daw ng Department of Health (DOH), ay nasa sumatotal na ₱51.647 bilyon, na ayon pa sa Senadora, “nakakatulong nga sa tao, naninikluhod ka naman sa mga politiko.” 

Sa Local Government Support Fund (LGSF) ay mayroon naman daw sumatotal na ₱57.872 bilyon, ayon sa Senadora, maayos naman daw sana ito kaya lang mayroon umanong mga palakasan sa likod nito. 

Pinasaringan din ng Senadora ang mga ibinawas na ₱500 milyon na alokasyon sa small business corporation, habang ang Department of Tourism (DOT) ay naging ₱1 bilyon sa budget, mula sa orihinal na alokasyong ₱500 milyon, kahit daw “zero naman ang performance.” 

Nang tanungin ni “Aling Luzviminda” bakit ginigiling ang mga karne o umano’y budget, diretsahang binanggit ni Imee na isinusulong ang umano’y paggiling para raw pagulungin ang impeachment ni VP Sara Duterte. 

“Hindi mo ba napansin ang kulay ng suot ko? Kulay peach. Ginigiling para pagulungin ang impeachment ni Inday,” pahabol na patutsada ng Senadora.

Sa kaugnay na ulat, isa si Imee sa mga mambabatas na hindi dumalo sa ikatlo at pinal na pagbasa ng ₱6.793 trilyon para sa 2026 national budget ng senado noong Disyembre 2025. 

MAKI-BALITA: ₱6.793T para sa 2026 nat'l budget, aprubado na sa Senado!

Ayon sa mga ulat, hindi pumirma si Imee sa bicameral conference committee report na naglalaman ng unified version ng GAA dahil naniniwala siyang “giniling” pa rin ang budget na ito. 

Sa kabilang banda, ibinahagi ni Executive Sec. Ralph Recto na tiwala siyang “pork barrel-free” ang nilagdaan na pambansang budget para sa 2026. 

“Sa tingin namin ‘pork barrel-free’ [ang budget] dahil hindi naman puwedeng mangialam ang legislators pagdating ng executing the budget, at purely, executive function na ‘yan, pagdating ng execution of the budget,” saad ni Recto, sa kabila ng oposisyon sa budget ng ilang mga mambabatas. 

MAKI-BALITA: Exec. Secretary Ralph Recto, kumpiyansang ‘pork barrel-free’ ang national budget 2026

Sean Antonio/BALITA