Isinalaysay ni Rodel Cyrus Dela Rosa kung paano niya nagawang tulungan ang nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan.
Si Rodel ang rider na nakakita kay Sherra sa Laoac na matatagpuan sa probinsiya ng Pangasinan.
Sa latest episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho kamakailan, sinabi ni Rodel na hindi raw niya agad napansin na si Sherra ang missing bride.
Aniya, “Hindi ko po siya napansin do’n. Bale nakayuko po kasi ako, tumitingin sa collection list ko po. Hawak ko ‘yong cellphone ko. Biglang nasa gild ko po. Then, umiiyak na nagmamakaawa na humihingi ng tulong.”
“Talagang maawa ka sa mukha niya. Talagang tuliro. [...] ‘Kuya, kuya. Patulong naman po.’ Gusto na niyang makauwi sa kanila,” dugtong pa ni Rodel.
Nang magtanong siya ng ilang impormasyon tungkol kay Sherra, noon niya sinabi na usap-usapan na siya sa iba’t ibang social media platforms.
“Tinanong ko kung taga-saan po siya. Sinabi niya po Quezon City. Tinanong ko [rin] po kung anong pangalan ng kasintahan niya. Sinabi niya si Mark Arjay Reyes,” lahad ni Rodel.
Dagdag pa niya, “Kaya sinearch ko po ‘yon. Doon ko po nalaman. Sabi ko po, 'viral ka na po, ma’am.’”
Matapos ito, inalok niya si Sherra na pumunta ng police station o kaya ay pumirmi muna sa kaniyang biyenan para makakain at makaligo. Pinili nito ang huli.
“No’ng pagkatapos niya pong kumain, pinahiram ko ‘yong cellphone ko po. Umiyak na siya. Nag-iyakan sila,” anang rider.
Samantala, nilinaw naman ni Rodel na wala umanong katotohanan na kasabwat siya sa pagkawala ni Sherra. Pinabulaanan din niya ang bali-balitang nakatanggap na umano siya ng reward.
Matatandaang Disyembre 29 nang tumimbre ang Quezon City Police District (QCPD) na natagpuan na nila si Sherra sa Ilocos Region.
Maki-Balita: Missing bride, natagpuan na —QCPD