January 25, 2026

Home BALITA National

Naglalabas lang ng galit sa korapsyon? Ex-Gen. Poquiz, tinangging planong pabagsakin gobyerno!

Naglalabas lang ng galit sa korapsyon? Ex-Gen. Poquiz, tinangging planong pabagsakin gobyerno!
Photo courtesy: Atty. Ferdinand Topacio, UPI (FB)

Nilinaw sa publiko ni retired Gen. Romeo Poquiz na hindi niya, at ng kaniyang grupong United People’s Initiative (UPI), pinaplanong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon at sinabi niyang naglalabas lang umano sila ng kanilang damdamin tungkol sa korapsyon. 

Ayon kay Poquiz, sa panayam sa kaniya ng True FM nitong Martes, Enero 6, pinaliwanag niyang pagpapabagsak sa gobyerno ang tunay na kahulugan ng sedisyong isinampa sa kaniya sa Korte ngunit pinabulaanan niyang ginawa niya ang bagay na ito. 

“Ang inciting to sedition kasi parang naghihikayat ka, ‘di ba ‘yong mga taumbayan na pabagsakin ‘yong gobyerno…” aniya. 

“Hindi naman namin po ginagawa ‘yon,” pahabol pa niya. 

National

Trillanes, 'credible' na ba? Ogie Diaz rumesbak, sumagot sa tirada ni Greco Belgica

Ani Poquiz, naghahayag lang siya at ng kaniyang mga kasamahan sa UPI ng kanilang damdamin tungkol sa umano'y matinding korapsyong nangyayari sa bansa. 

“Kami lang po ay nagpapahayag ng mga damdamin, tulad ng karamihang Pilipino, dito sa matinding korapsyon po na nangyayari sa bayan natin,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi po tayo naghihikayat na pabagsakin ang gobyerno.” 

Pagpapatuloy pa ni Poquiz, legal sa konstitusyon at walang tala ng pananakit ang tinatag nilang samahan. 

“Ang amin pong group, United People’s Initiative ay non-violent, constitutional, at non-partisan,” ‘ika niya. 

Malinaw raw na panggigipit lamang at panghaharas ang mga kasong isinampa laban sa kaniya. 

“Lumalabas talaga na malinaw na itong mga cases na ni-file sa akin ay panggigipit lamang… panghaharas. Hindi lamang para sa akin kundi ‘yong mga taong naniniwala sa akin—para hindi sila magprotesta. ‘Yon ang objective ng gobyerno d’yan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nakapagpiyansa si Poquiz matapos siyang maaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong  Lunes, Enero 5, 2026 dahil sa reklamong sedisyon.

MAKI-BALITA: Matapos makapagpiyansa, sey ni Poquiz: Dapat ang kinakasuhan, inaaresto yung mga nagnakaw ng milyon-milyon!

MAKI-BALITA: Topacio sa pag-aresto kay ex-Gen. Poquiz: 'May nakukulong pero mali ang ipinakukulong!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita