Itinanggi ng kampo ni Randy “Adam” Lawyer ang paratang ng misis niyang si Miss International 1979 Melanie Marquez na pang-aabuso.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, Enero 6, sinabi ng kampo ni Adam na matagal na umanong ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Makati ang kasong isinampa ni Melanie laban sa kanilang kilyente.
“The case Ms. Marquez mentioned in the interview that she previously filed against (Mr. Lawyer) was dismissed by the Office of the City Prosecutor of Makati, and did not even reach the court of law,” saad ng kampo ni Adam.
Dagdag pa nila, “This latest stunt is nothing short of malicious harassment, designed to inflict severe reputational damage, emotional distress, and professional harm on our client.”
Sasagutin umano ng kampo ni Adam sa tamang lugar ang mga partikularidad sa alegasyon ni Melanie laban sa kanilang kilyente.
Matatandaang pinakansela ng dating beauty queen ang visa ni Adam at pina-blacklist din niya ang pangalan nito sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ay dahil sa umano’y pang-aabusong naranasan niya sa kamay ng kaniyang asawa sa loob ng lagpas dalawang dekada nilang pagsasama.
Maki-Balita: Sinuntok na, tinutukan pa! Melanie Marquez inabuso ng mister