Sinabi ng dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque na kahit malayo siya ngayon sa Pilipinas at sa kaniyang pamilya, naging "merry" naman daw ang pagdiriwang niya ng Pasko habang nasa ibang bansa.
Ipinahayag ito ni Roque habang nagbabaklas ng Christmas tree, nitong araw ng Martes, Enero 3, sa araw ng Tatlong Hari.
[Nairaos] din po ang pasko! mababasa sa caption ng kaniyang video post.
"Nakadalawang taon na po akong wala sa Pilipinas, pero I have to say, ito naman po ay... kahit malayo sa pamilya, eh nagkaroon naman ng Merry Christmas, at ngayon po ay Pasko ng Tatlong Hari, tapos na ang Pasko kaya nililigpit na po ang Christmas tree," saad ni Roque.
Nagbigay naman siya ng mensahe para sa lahat.
"Siguro po, ang aking mensahe, ngayong tapos na ang Pasko ng 2025, well, lahat naman po ng pinagdadaanan natin, meron ding katapusan. Siyempre, gaya ng Pasko na dumarating at lumilipas, isang taon na naman ang ating aantayin, at aabangan nating muli ang susunod na Pasko. Ganiyan po talaga ang buhay."
"Ngayon po, naging masaya naman po ang ating Pasko, nakasama ko po ang isa kong anak, nami-miss ko 'yong isa ko pang anak, ang aking maybahay, pero at least po, binigyan tayo ng Panginoon ng maligayang Pasko.Sana kayo po, nagkaroon din ng maligayang Pasko. At sana, gaya ko, mapagod din kayo kakaligpit ng mga dekorasyon," aniya pa.