Nanindigan si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi raw titigil ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa imbestigasyon nito sa katiwalian at maanomalyang flood control projects.
Kaugnay ito sa umano’y “replacement” na isasagawa sa ICI, dahil sa isa na lamang ang natitirang miyembro ng nasabing komisyon.
“Sa ngayon, hindi pa po tayo nabibigyan ng update kung magkakaroon po ng replacement. Sa kasalukuyan po, nagtatrabaho pa rin po ang mga nasa ICI, at nandiyan din po ang Ombudsman na nangako na magpapatuloy po sila—at nandiyan po pa rin ang enthusiasm na pabilisin ang pag-iimbestiga sa mga nasampahan na ng kaso,” saad ni Castro.
Giit pa niya, “So hindi naman po titigil, kahit po sabihin natin na isa na lang ang miyembro ng ICI—nandiyan pa rin naman ang executive director. Patuloy pa rin po ang pag-iimbestiga, [so] hindi po titigil sa pag-iimbestiga.”
Matatandaang kamakailan, napaulat ang pagbitiw sa puwesto ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio “Babes” Singson bilang miyembro ng ICI.
KAUGNAY NA BALITA: Dizon, pinakiusapan si Singson na manatili sa ICI—Palasyo-Balita
Sinundan din ito ng pagre-resign ni dating ICI commissioner Rossana Fajardo, na nanilbihan sa komisyon mula noong Setyembre 2025.
“I believe that the investigative and prosecutorial responsibilities will now transition to other agencies, such as the Department of Justice and the Office of the Ombudsman, which are better positioned to ensure accountability for contractors and government officials,” saad ni Fajardo sa isinumite niyang resignation letter kamakailan.
MAKI-BALITA: Rossana Fajardo, nagbitiw bilang Commissioner sa ICI-Balita
Sa kasalukuyan, si ICI chair Andres Reyes Jr. na lamang ang natitira sa mga orihinal na miyembro ng komisyon.
Vincent Gutierrez/BALITA