January 26, 2026

Home BALITA National

ICC, tinanggihan hiling ng kampo ni FPRRD sa access ng komunikasyon sa medical experts

ICC, tinanggihan hiling ng kampo ni FPRRD sa access ng komunikasyon sa medical experts
Photo courtesy: via MB

Hindi pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan sila ng access sa pribadong komunikasyon sa pagitan ng Registry ng korte at ng mga independent medical experts na sumusuri sa kakayahan ng dating pangulo na humarap sa paglilitis.

Batay sa inilabas na desisyon noong Disyembre 23, 2025, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na nabigo ang depensa na patunayan kung bakit kinakailangan ang umano’y “urgent” na pagbubunyag ng naturang medical correspondence.

Nauna nang hiniling ng legal team ni FPRRD na utusan ng korte ang Registry na ibigay ang lahat ng email, liham, at tala ng mga pag-uusap sa telepono nito kasama ang medical panel.

Giit ng depensa, mahalaga umano ang mga impormasyong ito upang masuri kung paano ipinarating ng korte ang mga tagubilin at kung ano-anong partikular na dokumento, kabilang ang medical records ng dating pangulo, ang ibinigay sa mga eksperto para sa kanilang pagsusuri.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Gayunman, iginiit ng Pre-Trial Chamber, na pinamumunuan ni Iulia Motoc, na ang Registry ay isang neutral organ ng korte na may tungkuling makipag-ugnayan sa mga eksperto upang iparating ang mga instruksyon. Ayon sa desisyon, "The Chamber considers that, without further substantiation from the Defence, the disclosure of 'all communications between the Registry and the three experts' is not warranted."

Dagdag pa ng korte, mayroon na umano ang depensa ng “all the necessary information” upang maihanda ang kanilang mga obserbasyon.

Tinanggihan din ng Chamber ang argumento kaugnay ng mga materyales na ipinadala sa medical panel, at binanggit ang desisyong inilabas noong Setyembre 24 na nagkaloob na ng ganap na access sa depensa sa mga awtorisadong dokumento.

“Absent any indication that the Registry did not comply with these instructions, the Chamber considers that the Defence is already fully aware of the materials transmitted to the Panel,” ayon pa sa korte.

Ipinaliwanag din ng mga hukom na ang pinagsama at indibidwal na ulat ng mga eksperto, na ipinadala sa magkabilang panig noong Disyembre 5, 2025, ay naglalaman na ng mga sanggunian sa mga materyales at instruksyong ginamit sa kanilang pagsusuri.

Ang naturang medical examination ay iniutos ng korte matapos humiling ang kampo ni Duterte ng isang “indefinite adjournment” ng mga pagdinig noong Agosto 2025.

Samantala, nagbigay naman ng update si Davao City. Rep. Paolo "Pulong" Duterte hinggil sa lagay ngayon ng ama, na kasalukuyang nakakulong pa rin sa detention center ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crime against humanity.

Sa Facebook post ng vlogger na si "Alvin & Tourism" nitong Martes, Enero 6, ibinahagi ng kongresista ang naging kalagayan ng kaniyang ama sa pagbisita niyang muli sa The Hague, Netherlands.

Kasama ang kapatid na si Veronica "Kitty" Duterte, ikinuwento ni Cong. Pulong na hindi pa raw nakakakain ng tanghalian ang dating pangulo nang kanilang datnan sa ICC detention center.

Ayon pa sa kaniya, mahaba na ang buhok ng dating pangulo at halos buong umaga itong natulog bago sila dumating, dahilan upang doon pa lamang ito bumangon.

"Long hair na siya… wala na nagkaon paniugto kay natulog lang siya whole morning until nag-abot mi didto pa nagbango," anang kongresista.

Dagdag pa ng kongresista, bagama’t umuulan ngayon ng niyebe at napakalamig ng panahon sa The Netherlands, maayos at kontrolado naman ang temperatura sa loob ng detention facility. Tiniyak din niyang nasa maayos na kalagayan ang kalusugan ng kaniyang ama.

Bumati naman ng Happy New Year ang mambabatas sa lahat, lalo na sa mga tagasuporta ng kanilang pamilya, at patuloy na nagdarasal para sa dating pangulo.

Kaugnay na Balita: Rep. Pulong sa lagay ni FPRRD: 'Long hair na siya!'

Dinakip ng ICC si Duterte noong Marso 2025.