Nilinaw ng isang propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman na hindi raw magkatulad ang pagkakaaresto kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro.
Ayon sa panayam ng True FM kay UP Diliman Department of Political Science Prof. Aries Arugay nitong Martes, Enero 6, sinabi niyang hindi na-kidnap si FPRRD.
“Unang una, hindi kidnaping ‘yong nangyari do’n kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” pagsisimula niya, “With the consent of the Philippine government, siya ay dinala sa The Hague.”
Ani Arugay, hindi raw kagaya ni FPRRD, walang consent mula sa pamahalaan ng Venezuela ang pag-aresto ng United States of America (USA) kay Maduro.
“Hindi nag-consent ‘yong Venezuela government kay Maduro. In fact, walang military force na na-deploy in Rodrigo Duterte arrest or surrender,” aniya.
Paliwanag pa ni Arugay, magkaiba raw ng hurisdiksyon ang humahawak sa kaso ng mga nasabing Pangulo.
“Pangalawa, magkaibang hurisdiksyon kasi ‘yng kay Maduro, ‘yong kaniyang kaso, is a domestic court of a foreign country,” saad niya.
Dagdag pa niya, “‘Yong kay Rodrigo Duterte is an international court which the Philippines ratified and is a member. Kahit sabihin nating umalis noong 2019 pero ‘yong mga charges happened before, so klarong may jurisdiction.”
Anang Prof, sinabi na rin daw noon ng ICC na may hurisdiksyon pa rin sila sa panahon ng panunungkulan ni FPRRD.
“In fact, natalo nga ‘yong motion na wala raw jurisdiction ‘yong ICC, sinabi na ng ICC na may jurisdiction [sila] over this case,” paglilinaw niya.
“Malinaw dito and I hope ‘yong mga kababayan natin na naguguluhan [ay] malinawan, Rodrigo Duterte was not the sitting President of the Philippines when he was arrested and given to the ICC unlike Nicolas Maduro,” pagtatapos niya.
MAKI-BALITA: Matapos bakbakang US-Venezuela: Ex-PACC chair Belgica, umapelang iuwi si FPRRD sa PH kay Trump
MAKI-BALITA: Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!
Mc Vincent Mirabuna/Balita