Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na magkakasa sila ng ilang regulasyon upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa, sa paggunita ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Biyernes, Enero 9.
Ayon kay PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez nitong Martes, Enero 6, ipapatupad ang “gun ban” sa Maynila mula Huwebes, Enero 8 hanggang Sabado, Enero 10.
Dagdag pa niya, nakataas din ang “liquor ban” sa parehong siyudad sa mismong araw ng pista sa Biyernes, Enero 9—maging ang paggamit ng “firecrackers” at “pyrotechnic materials.”
Base pa sa ulat na ibinahagi ng ahensya nito ring Martes, Enero 6, aabot sa 18,212 uniformed personnel ang ipadadala para siguruhin ang kapayapaan sa naturang kapistahan.
“Alam natin na ang Traslacion ay hindi lang isang okasyon—ito ay isang malalim na panata ng milyon-milyong deboto ng Itim na Nazareno. Kaya ang utos ko sa ating mga pulis: maging alerto, maging mahinahon, at higit sa lahat, maging makatao sa pagse-serbisyo,” ani Nartatez.
“These measures are purely preventive. Layunin natin na maagapan ang anumang banta at masigurong ligtas ang bawat deboto na dumadalo,” dagdag pa niya.
“Malaki ang hamon, pero handa ang PNP. Kasama ang iba’t ibang ahensya at ang kooperasyon ng publiko, kaya nating maging ligtas at maayos ang Traslacion 2026. Patuloy naming hinihikayat ang mga deboto na makipagtulungan, sumunod sa mga alituntunin, at alagaan hindi lang ang sarili kundi pati ang kapwa,” pagtatapos niya.
Kaugnay nito, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “special (non-working) day” ang Enero 9, bilang pagkilala sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.
Ang naturang direktiba ay alinsunod sa Proclamation No. 1126 na inilabas ng Malacañang nitong Martes, Enero 6.
MAKI-BALITA: Enero 9, 2026, special non-working day sa Maynila dahil sa Traslación-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA