Isa sa mga pangalang naging daan ng kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Espanyol si Melchora Aquino o "Tandang Sora," na kilala rin bilang "Ina ng Rebolusyong Pilipino.”
Sino nga ba si Melchora Aquino?
Ipinanganak bilang Melchora Aquino de Ramos noong Enero 6, 1812, sa Banlat, Caloocan, si Melchora ay ang unica hija nina Juan at Valentina Aquino.
Kalauna’y pinakasalan niya si Fulgencio Ramos, na isang cabeza de barrio, kung saan ayon sa kasaysayan, ay nagkaroon sila ng anim na anak.
Sa kasamaang palad, maagang nabyuda si Melchora at naiwan sa kaniyang pangangalaga ng mga anak nila at ari-arian ng mga palay at tubo para mabuhay ang mga ito.
Pagsiklab ng rebolusyon
Taong 1896, sa edad na 84, sumiklab ang rebolusyon ng Pilipinas laban sa mga mapanlupig na Espanyol.
Ang bahay ni Melchora ang nagsilbing tahanan sa mga sugatang rebolusyonaryo; dito rin nakibaka ang ginang sa pamamagitan ng pagpapakain, paggamot, at pagbibigay ng espirituwal na suporta sa mga ito.
Sa kabila ng badyang panganib, ang bahay rin ni Melchora ang nagsilbing regular na pinaggaganapan ng mga tagong pagtitipon ng Katipunan, na noo’y pinangunahan ni Andres Bonifacio.
Reputasyon sa Katipunan
Dahil sa naging gampaning ito ni Melchora sa rebolusyon, kinilala siya bilang “Ina ng Rebolusyong Pilipino” at “Ina ng Katipunan.”
Pag-aresto
Agosto ng kaparehas na taon, pinasok ng mga awtoridad ng Espanya ang bahay ni Melchora, at napag-alaman ang naging gampanin niya sa rebolusyon.
Sa payo ni Andres, kasama ang kaniyang pamilya, sinubukan ng ginang na tumakas papuntang Novaliches, ngunit, naunahan sila ng mga Espanyol.
Nang mahuli si Melchora sa Pasong Putik, Novaliches, una siyang inilipat sa Bilibid sa Maynila, sa kasong pagtataksil sa gobyerno.
Sa kabila ng mga interogasyon ng mga Espanyol para malaman ang lokasyon ni Andres at ng iba pang miyembro ng Katipunan, nanatiling matatag ang ginang at tumangging sagutin ang mga katanungan.
Kaya Setyembre 1896, ipinatapon ng Gobernador-Heneral ng Espanya si Melchora sa Mariana o Marianas, Guam, kung saan, nailathala na kasama niya ang isa pang babae na si Segunda Puentes at 171 pang mga Pinoy.
Sa Guam, nanatiling naka-house arrest ang ginang sa lugar ng mayamang lokal na si Don Justo Dungca, kung saan, nailathala na kalauna’y naging tagapamahala pa ng bahay si Melchora para sa pamilya Dungca.
Pagbabalik sa Pilipinas
Taong 1919, sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano, naibalik ang ginang sa Pilipinas.
Sa edad na 107, mapayapang pumanaw si Melchora sa bahay ng isa sa kaniyang mga anak.
Legasiya
Sa kasalukuyan, bilang pag-alala sa kaniyang legasiya at kabayanihan, itinayo ang “Tandang Sora Shrine” sa Quezon City, na matatagpuan sa dating Barangay Banlat, kung saan matatagpuan ang naging tahanan niya.
Sean Antonio/BALITA