Nilinaw ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando na hindi pa raw naibibigay sa kaniya ni Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste ang kopya ng kontrobersyal na flood control budget insertions.
Sa pahayag na ibinigay niya sa media nitong Lunes, Enero 5, 2026, iginiit niyang inaantay pa rin daw niya ang naturang kopya at agad na isasapubliko kung sakaling mapasakamay na raw niya ito.
"Inaantay ko nga rin hanggang ngayon na may dumating sakin na kopya eh. Kasi kung meron na, isshare ko agad sa public," ani San Fernando.
Saad pa ni San Fernando, "Binibiro ko nga si Cong. Leandro na baka ako naman ang targetin dahil sa sinabi n'ya!."
Matatandaang nagkaroon ng salo-salo sina Leviste at San Fernando kasama si Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga kung saan sinabi mismo ng una na may kopya na raw ang nasabing dalawang mambabatas.
"Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat! May kopya na rin pala ng listahan ng flood control project insertions sina Congressman Kiko Barzaga at Eli San Fernando - Kamanggagawa Partylist," ani Leviste sa caption.
KAUGNAY NA BALITA: 'Salamat sa libre!' Rep. Barzaga, Rep. San Fernando, biniyayaan ng kopya ng budget insertions ni Rep. Leviste
Samantala, nanindigan naman si San Fernando na karapatan daw ng taumbayan na malaman ang nilalaman ng naturang listahan.
"Kung ano man ang list o file na meron patungkol sa allocations, insertions lalo na sa DPWH projects, karapatan ng lahat na makita at malaman kung ano ang laman niyan," saad niya.
Wala pa ulit inilalabas na pahayag si Leviste kung nabigyan niya na ng kopya ang dalawang kapuwa mambabatas.
Samantala, bagama't hindi direktang inamin kung hawak niya na ang binansagang "Cabral files," iginiit naman ni Barzaga sa kaniyang Facebook post nitong Lunes na malaki umano ang flood control ni Cong. Mika Suansing.
"Ang laki ng Flood Control ni Congresswoman Suansing sa Cabral Files nyahahaha," ani Barzaga.