May mensahe ang abogadong si Atty. Ferdinand Topacio para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bunsod ng pagkakaaresto kay retired General Romeo Poquiz nitong Lunes, Enero 5, 2025.
Sa panayam ng media kay Topacio, tahasan niyang pinuna ang tila pagtupad daw ni PBBM sa kaniyang pangako na may makukulong ngunit mali naman daw ang ipinakukulong nito.
“I will just take this opportunity para pasalamatan ang ating Pangulo, si BBM, sapagkat tinupad n'ya ang kaniyang pangako na may makukulong. Pero mali po yung ipinakukulong. Hindi po yung mga nagnanakaw, kundi yung mga nagpoprotesta sa pagnanakaw,” ani Topacio.
Tinawag din niyang bangag ang kung sino man daw ang nagbigay ng payo sa Pangulo na ipadampot at ipaaresto si Poquiz.
“Sir, medyo nagkamali po ata kayo. Mr. President, kung sino man po ang nag-advise sa inyo na mag-proceed against Gen. Poquiz, vine-ventilate lamang po n'ya ang saloobin ng mga pangkaraniwang Pilipino,” saad ni Topacio.
Dagdag pa niya, “Eh kung sino man po ang nag-advice sa inyo non, eh bangag po 'yon. Tanggalin n'yo po yun.”
Si Poquiz ay inaresto paglapag niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Lunes, bunsod ng mga umano’y reklamong inciting sedition at rebelyon na isinampa laban sa kaniya.
Ayon pa sa mga ulat, sinasabing may kaugnayan umano ang mga kasong ibinala laban kay Poquiz bunsod ng tatlong araw na kilos-protestang ikinasa niya noong Nobyembre 2025.
Sa hiwalay na pahayag sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account, isang post din ang iniwan ni Poquiz hinggil sa kaniyang pagkakaaresto.
Aniya, “Arestado ako ng PNP CIDG sa Airport Terminal. On the way na kami sa PNP CIDG sa Camp Crame. Mabuhay ang Pilipino!”