Tinawag na “ridiculous complaint” ni Sen. Joel Villanueva ang mga kasong nauugnay sa kaniya sa maanomalyang flood control projects kaya nagpasa ito ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ).
Ayon sa naging pahayag ni Villanueva sa ambush interview ng mga media sa kaniya nitong Lunes, Enero 5, 2026, sinabi niyang pumunta siya at kaniyang legal team sa tanggapan ng DOJ dahil nirerespeto niya ang legal process ng Korte.
“Nandito tayo para ipakita ‘yong commitment natin sa due process—legal process kaya tayo nandito,” pagsisimula niya.
Ani Villanueva, “ridiculous complaint” daw ang mga kasong idinadawit sa kaniya kaugnay sa flood control projects anomalies.
“Despite the fact na ‘yong paniniwala natin remains the same na ridiculous talaga ‘yong complaint pero syempre, nirerespeto natin ‘yong legal process, and again ‘yong due process kaya tayo naririto,” diin niya.
Paliwanag ni Villanueva, alam daw ng publiko ang matagal nang pang-aaway niya kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ngunit nakahayag daw sa kaso laban sa kaniya na naabutan siya ni Co ng 1% sa maanomalyang flood control projects.
“Ridiculous because karamihan kayong mga nagco-cover sa Senate, alam na alam n’yo ‘yong nangyayari tungkol sa flood control [projects]. Kinamumuhian for so many years,” saad niya.
“‘Yong away namin ni Zaldy Co tapos do’n sa complaint, one percent daw binibigay ni Zaldy Co sa akin. So that’s ridiculous,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang kasama si Villanueva sa listahan ng 89 indibidwal na iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Disyembre 18, 2025 na kanilang inirekomendang sampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
MAKI-BALITA: Romualdez, 86 iba pa inirekomendang kasuhan bago matapos ang taon—Sec. Dizon
Ayon sa year-end press conference na isinagawa ni DPWH Sec. Vince Dizon noon, inilatag niya ang listahan ng mga indibidwal na iminungkahi nilang kasuhan ng plunder, malversation, anti-graft, bribery, at iba.
MAKI-BALITA: Pinakakasuhan ng ICI sa Ombudsman! Sen. Joel, dumipensa ulit sa pagdawit sa flood-control anomalies
MAKI-BALITA: ICI, iminungkahing sampahan ng kaso sina Villanueva, Co, Estrada, atbp., sa Ombudsman
Mc Vincent Mirabuna/Balita