Tila hindi naniniwala si dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson na aksidenteng nahulog si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral sa Kennon Road sa Benguet noong Disyembre 18, 2025.
Ayon kay Chavit, sa isinagawang press conference ng kampo niya nitong Lunes Enero 5, sinabi niyang kailangan daw maimbestigahan pa ang pagkamatay ni Cabral.
“Kailangang maimbestigahan ‘yan. I don’t believe na nagpakamatay ‘yon,” pagsisimula niya.
Diin ni Chavit, may tumatawag umano kay Cabral kaya nagpabalik-balik ito sa nasabing lugar kung saan siya nahulog.
“Unang una, takot sa height ‘yon. May tumawag sa kaniya na pumunta doon at nagbalik-balik [sila] dahil may tumawag-tawag na ‘punta ka roon, punta ka roon,’” kuwento niya.
Dagdag pa niya, “Palagay ko tinulak. Ang balita ko, siya ang nakakaalam lahat ‘yong mga kalokohan.”
Buwelta pa ni Chavit, may “basbas” raw ng Palasyo ang naging insidente ng pagkamatay ni Cabral.
“Hindi nila magagawa ‘yan kung walang blessing ang Malacañang. Hindi magagawa [ng] [Department] of Public Works and Highways lahat ‘yan kung walang blessing ang Malacañang,” saad niya.
“Maliwanag yan,” pagtatapos pa ni Chavit.
Samantala, wala namang inilabas na pahayag ang Palasyo sa isinagawa nilang press briefing nito ng Lunes kaugnay sa sinabi ni Chavit.
Matatandaang pumanaw si Cabral noong madaling araw ng Disyembre 19, 2025, matapos mahulog umano sa bangin, na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim.
MAKI-BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin
Kinumpirma ng Benguet Provincial Police Office ang pagpanaw ng ginang bandang 12:03 ng madaling araw matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan nito na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18, 2025.
MAKI-BALITA: SILG Remulla, kinumpirmang si Cabral bangkay na natagpuan sa Tuba, Benguet
MAKI-BALITA: Magdalawa pa sila? Chavit, hinamon si PBBM, Romualdez ng debate sa Malacañang
Mc Vincent Mirabuna/Balita