Nakapagpiyansa na si retired Gen. Romeo Poquiz matapos siyang maaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Lunes, Enero 5, 2026 dahil sa reklamong sedisyon.
Sa pagharap niya sa media nitong Lunes, iginiit niyang naiintindihan daw niya ang pag-aresto sa kaniya ngunit kinukwestiyon rin niya kung bakit ang tulad umano niya ang ipinakukulong ng pamahalaan.
“Yung pag-aresto, naiintindihan ko ‘yon dahil trabaho ng CIDG 'yon,” ani Poquiz.
Paglilinaw pa niya, “Ang hindi namin maintindihan at ang ikinababahala natin ay, bakit ako? Bakit yung mga taong nagpapahayag ng damdamin, nagpoprotesta dahil dito sa mga korapsyon na ito ay kinakasuhan? Hinuhuli, inaaresto.”
Giit pa niya, ang dapat daw na ikinukulong at kinakasuhan ay ang mismong mga magnanakaw na nakapangulimbat na nang milyon-milyon.
“Dapat ang kinakasuhan, inaaresto yung mga nagnakaw ng milyon-milyon!” saad niya.
Matatandaang ito rin ang ang naging sentimyento ng abogadong si Atty. Ferdinand Topacio hinggil sa pag-aresto kay Poquiz.
Sa panayam ng media kay Topacio, tahasan niyang pinuna ang tila pagtupad daw ni PBBM sa kaniyang pangako na may makukulong ngunit mali naman daw ang ipinakukulong nito.
“I will just take this opportunity para pasalamatan ang ating Pangulo, si BBM, sapagkat tinupad n'ya ang kaniyang pangako na may makukulong. Pero mali po yung ipinakukulong. Hindi po yung mga nagnanakaw, kundi yung mga nagpoprotesta sa pagnanakaw,” ani Topacio.
KAUGNAY NA BALITA: Topacio sa pag-aresto kay ex-Gen. Poquiz: 'May nakukulong pero mali ang ipinakukulong!'
Tinawag din niyang bangag ang kung sino man daw ang nagbigay ng payo sa Pangulo na ipadampot at ipaaresto si Poquiz.
“Sir, medyo nagkamali po ata kayo. Mr. President, kung sino man po ang nag-advise sa inyo na mag-proceed against Gen. Poquiz, vine-ventilate lamang po n'ya ang saloobin ng mga pangkaraniwang Pilipino,” saad ni Topacio.
Tinatayang umabot sa ₱48,000 ang itinakda upang makapagpiyansa si Poquiz. Sinasabing may kaugnayan umano ang mga kasong ibinala laban kay Poquiz bunsod ng tatlong araw na kilos-protestang ikinasa niya noong Nobyembre 2025.