Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino na mas magiging responsable ang kaniyang administrasyon sa paghawak ng inaprubahan niyang ₱ 6.793 trilyon pambansang budget para sa 2026.
“Sa ating mga kababayan, dama po namin ang inyong agam-agam at pangamba sa nakaraang budget. Kaisa ninyo ako sa pagnanais na masiguro ang bawat pisong buwis ay mapupunta sa tamang proyekto at sa tunay na pangangailngan ng ating taumbayan,” saad ni PBBM sa kaniyang talumpati sa seremonya ng pagpirma ng General Appropriations Acts (GAA) para sa taong 2026, nitong umaga ng Lunes, Enero 5.
Aniya pa, naririnig ng administrasyon ang hinaing at daing ng mga Pinoy hinggil sa mga pinaglalaanan ng pambansan budget, na galing sa kanilang buwis.
“Naririnig namin kayo. [Kaya] sa national budget ng 2026, malinaw ang direksyon ng inyong pamahalaan, magiging mas masinop, mas maingat, [at] mas responsable kami sa paggastos ng pondo ng bayan,” pagtitiyak ng Pangulo.
Ang bawat proyekto at programa rin daw na isasaakto ng mga ahensya sa ilalim ng administrayong Marcos Jr. ay dadaan sa masusing pagsusuri para masiguro na may mabuting benepisyo ito sa mga mamamayan.
“Magtatrabaho ang administrasyong ito upang mapabuti ang sistema. Mapalakas ang pananagutan at matuldukan ang katiwalian,” pangako ni PBBM.
“Sa lahat ng adhikaing ito, dalangin ko na maging katuwang namin ang bawat mamamayang Pilipino, ang pagbabantay, ang pagtatanong, ang pag-uulat, at ang pakikilahok sa mahahalagang bahagi ng isang gumaganang demokrasya. Kasama ninyo kami sa layuinin [na] tiyakin na ang budget ng bayan ay para sa bayan,” dagdag pa niya.
Mariin ding nanindigan ang Pangulo na hindi na siya papayag na mapunta sa mga pangungurakot ang mga salaping pinaghirapan ng mga Pilipino.
“Hindi [na] tayo papayag na mapunta sa [mga] kurakot ang salaping pinaghirapan ng bawat Pilipino. Sa pagharap natin sa Bagong Taon, nawa’y ang apoy na nag-aalab sa ating mga puso ay magdulot ng tunay na pagbabago, tungo sa isang maunlad na kinabukasan,” paninindigan ni PBBM.
Binubuo ng ₱ 6.793 trilyon pambansang budget ang ₱ 1.345 trillion para sa sektor ng edukasyon, para mapondohan ang 32,916 teaching and 32,268 non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan at ma-expand ang pagpondo sa pagpapatayo ng 24,964 na silid-aralan sa buong bansa.
Sinundan ito ng ₱ 448.125 bilyon para sa sektor ng healthcare, para matiyak naman ang pagpapalawig ng dekalidad at abot-kayang atensyong-medikal para sa lahat.
Para naman sa sektor ng agrikultra, inilaan ang ₱ 297.102 bilyon para sa food security, pagmo-modernisa ng supply systems, at pagsuporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Bilang suporta naman sa sektor ng social services at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng nasa vulnerable sectors, nilaanan ito ng ₱ 270.189 bilyon.
Para sa pagpapatibay ng Local Government Support Fund (LGSF) at suporta sa Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), nilaanan ito ng ₱ 15.33 bilyon.
Panghuli ay ang pagtaas ng base at subsistence pay ng Military and Uniformed Personnel (MUPs), alinsunod sa Executive Order No. 107, s. 2025 bilang pagtitiyak naman sa kapakanan ng kapulisan at sandatahang hukbo.
Sean Antonio/BALITA