Tiwala si Executive Secretary Ralph Recto na “pork barrel-free” ang nilagdaang pambansang budget para sa 2026, ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Enero 5.
“Sa tingin namin ‘pork barrel-free’ [ang budget] dahil hindi naman puwedeng mangialam ang legislators pagdating ng executing the budget, at purely, executive function na ‘yan, pagdating ng execution of the budget,” saad ni Recto nang tanungin ng media kanilang press briefing sa Malacañang, hinggil sa saloobin niya sa mga pahayag ng ilang mambabatas na may iba’t ibang bersyon ng pork barrel sa pambansang budget para sa 2026.
Tiniyak rin ni Recto na maigi nilang susundin ang bagong probisyon sa 2026 budget na nagbabawal sa mga politiko na mangialam sa disbursement ng ayuda sa mga Pinoy.
“Kung hindi ako nagkakamali, that is a special provision in the budget or the general provision, na ipinagbabawal ‘yong mga politiko during the actual disbursement or the actual pamimigay nito [ayuda] sa mga kababayan natin. So, susundin natin ‘yong guidelines na ‘yan, under the General Appropriations Act (GAA) of 2026,” ani Recto.
Matatandaang diretsahan na binanggit ni PBBM nito ring Lunes sa signing ng pambansang budget ang pagtatanggal ng mga ayuda sa kamay ng mga politiko upang direkta na itong maibigay sa mga Pilipino.
“Politicians shall be barred from the distribution of any financial aid and we shall ensure that the support reaches the intended beneficiaries without patronage. Walang bawas, walang kulang,” saad ng Pangulo.
MAKI-BALITA: 'Walang bawas, walang kulang!' Mga politiko, ekis nang mahawakan ang pamimigay ng ayuda—PBBM
Sa kaugnay na ulat, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa media nito ring Lunes, “squeaky clean” daw na maituturing ang 2026 national budget dahil sa pag-veto rito ni PBBM ng ₱ 92.5 bilyong halaga ng unprogrammed funds.
Kinomendahan din ni Sen. Erwin Tulfo ang pinirmahan ng Pangulo na ₱ 6.793 trilyong budget, at aniya pa, ito ang pinaka-transparent na budget law sa kamakailang kasaysayan.
“This is what we need, a budget that will restore the public’s trust to the government. We are grateful that the President heeded our call to limit the use of unprogrammed appropriations and vetoed P92.5 billion worth of projects lodged under this budgetary mechanism,” ani Tulfo.
Sean Antonio/BALITA