HINDI NA MANGUNGUTANG
Wagi ng tumataginting na ₱25 milyon ang isang 50-anyos na street vendor sa Muntinlupa City, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Lunes, Enero 5, 2026.
Sa ulat ng PCSO, kinubra na ng lucky winner ang napanalunan niyang ₱25,111,918.20 jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola noong Disyembre 15, 2025.
Ang winning combination niyang 10-21-23-30-01-15 ay hango sa birthday ng kaniyang pamilya.
Ayon pa sa ahensya, ilang dekada nang nagtitinda ng gulay ang lucky winner sa tabi ng palengke sa Muntinlupa City.
Sa panayam sa 50-anyos na padre de pamilya, naikuwento niya sa PCSO na ilang beses na rin daw siyang nangutang para may pamunuhan sa maliit niyang negosyo. Matiyaga rin aniya siyang nagtatrabaho araw-araw upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
“Kahit papano’y nakakaraos naman po sa pang-araw-araw,” anang lucky winner.
Dagdag pa ng 50-anyos na street vendor, hindi niya sinabi sa kaniyang misis na kukubra na siya ng napanalunan sa lotto. Ang alam lang daw nito ay manghahanap ng mahihiraman ng ₱500 na pampuhunan.
Plano ng bagong milyonaryo na gamitin ang napanalunan upang makabili ng puwesto sa palengke para mayroon na siyang stable source of income.
Plano rin niyang ipunin ang bahagi ng kaniyang mga napanalunan.