Inilabas na ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno nitong Linggo, Enero 4, ang mga paalala at listahan ng mga saradong kalsada para sa gaganapin na Traslacion 2026, sa Biyernes, Enero 9.
Ayon sa simbahan, ang mga sumusunod na kalsada ang isasarado hangga’t hindi pa nakakadaan ang andas ng Poong Jesus Nazareno:
- Independence Road hanggang Katigbak Road
- Bahagi ng Roxas Blvd. at Padre Burgos Avenue
- Ayala Bridge
- Kahabaan ng Carlos Palanca St. hanggang Globo de Oro St.
- Solano St. at Padilla St.
Mananatili rin daw sarado ang kahabaan ng P. Casal St. hanggang Mendiola/Legarda bilang pagbibigay-daan sa emergency vehicles at rescuers.
Kaya sa mga debotong magtutunog sa Quirino Grandstand, inaabiso ng simabahan na dumaan sa mga sumusunod na kalsada:
- Taft Avenue
- Kalaw Avenue
- Roxas Boulevard
Para sa mga manggagaling naman sa bahaging kanluran, norte, o España, inaabisong dumaan patungo sa Quezon Bridge, McArthur Bridge at Jones Bridge, patungong Padre Burgos o Intramuros.
Sa mga deboto naman na mula sa R10, Tondo, at bahaging kanluran, maaari daw na dumaan sa M. Roxas Bridge o Delpan Bridge.
Habang ang mga manggagaling sa bahaging norte at silangan ay inaabisong dumaan sa Nagtahan Bridge o Mabin Bridge palabas ng Otis o U.N Avenue.
Paalala ng simbahan sa mga motorista na pansamantala muna na iwasan ang mga nasabing kalsada patungong Quiapo mula 5:00 PM ng Huwebes, Enero 8.
Para sa mga karagdagang anunsyo, inaabiso rin na mangyaring antabayanan ang social media page ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sean Antonio/BALITA