Nakatakdang magbalik ang minahal ng mga Pinoy na ABS-CBN sitcom ng 90s na “Home Along Da Riles” bilang movie adaptation ngayong 2026.
Noong Disyembre 28, inilabas ni Boy 2 Quizon sa kaniyang Instagram ang teaser ng pelikulang “Home Along Da Riles Reunion.”
Ipinakita rito ang bahay ng pamilya Cosme, mga litratong naka-frame ng mga miyembro nito, kabilang ang mga litrato ni Kevin Cosme, na ginampanan ni yumaong King of Comedy, Dolphy.
Sumunod ang shot ni Aling Azon Cosme, na ginampanan ng beteranang aktres na si Nova Villa, na may hawak na sobreng tila naglalaman ng isang liham.
“The legacy continues 2026,” saad sa pagtatapos ng teaser.
Ang pagbabalik na ito ay agad sinuportahan ng netizens, na karamihan ay lumaki sa pananood ng naunang sitcom.
“Naiiyak ako huhu, my childhood. ”
“Ito ang aming home sweet hooome! :D”
“Grabe nakakamiss si Tatay Kevin.”
“Bakit parang nakakaiyak? Nakakamiss ang childhood dahil lumaki akong pinanonood ‘to. ”
“Goosebumps can't wait to see these.”
“Grabe din kasi talaga ang impact ng mga palabas ng @abscbn noong araw. Nakakamiss lang balikan ang era na 'to. Hayssss... sending hugs to all batang 90s here .”
Matatandaang unang ibinahagi ng aktres na si Claudine Barretto ang reunion movie ng Home Along Da Riles noon pang Disyembre 2024.
Ang Home Along Da Riles ay ang minahal na sitcom ng mga Pinoy, na umere sa telebisyon mula 1992 hanggang 2003.
Sinundan dito ang istorya ni Kevin, na itinaguyod ang kaniyang limang anak, sa kalagitnaan ng iba’t ibang sitwasyon na kinaharap sa mga kaanak, kapitbahay, at trabaho.
Sean Antonio/BALITA