Ipinahayag ni US President Donald Trump nitong Sabado (Linggo ng umaga sa Maynila) na umano’y magsasagawa ang United States ng pansamantalang pamamahala sa Venezuela matapos ang aniya’y “matagumpay” na overnight na military operations na nagresulta sa pag-aresto kay Venezuelan President Nicolás Maduro at sa asawa nitong si Cilia Flores sa Caracas.
Batay sa mga ulat, sinabi ni Trump na nagsagawa umano ang sandatahang lakas ng US ng coordinated na pag-atake sa himpapawid, lupa at dagat sa kabiserang lungsod ng Venezuela noong Sabado ng gabi.
Aniya, nadaig ng operasyon ang military units na tapat kay Maduro at naaresto ang mag-asawa.
Dagdag pa ng Pangulo, mananatili ang mga puwersa ng US sa Venezuela hanggang sa maitatag ang isang bagong pamahalaan.
Binigyang-diin din niyang magsisilbi umanong “babala” ang operasyon sa sinumang grupo o indibidwal na magbabanta sa soberanya ng Amerika o sa buhay ng mga mamamayang Amerikano.
Ayon pa sa Pangulo, nananatili ang embargo ng US sa langis ng Venezuela at patuloy ang presensiya ng mga barkong pandigma ng Amerika sa rehiyon.
Sinabi rin niyang hawak pa rin ng US ang “lahat ng opsiyong militar” habang pinangangasiwaan ang tinawag niyang panahon ng transisyon.
Ipinahayag ni Trump na ang pagtanggal kay Maduro ay katapusan na umano ng isang “diktadura,” at iginiit na malaya na ang mga Venezuelan matapos ang mga taong aniya’y politikal na panunupil.
Ayon sa Pangulo ng Amerika, nahaharap sina Maduro at Flores sa mga kasong pederal sa Southern District of New York kaugnay ng umano’y narco-terrorism at drug trafficking, at kasalukuyang inihahatid sa Estados Unidos para litisin.
Inakusahan din ni Trump si Maduro ng pamumuno sa isang criminal network na umano’y responsable sa malawakang pagpasok ng ilegal na droga sa US, gayundin sa paggamit ng mararahas na gang, kabilang ang grupong bilangguan na Tren de Aragua, para magsagawa ng krimen sa mga lungsod ng Amerika.
Idinagdag pa niya na umano’y sinamsam ng pamahalaan ng Venezuela ang mga imprastraktura ng langis na pag-aari ng mga kompanyang Amerikano, na aniya’y nagdulot ng bilyong dolyar na pagkalugi. Ayon kay Trump, isasama ng US ang malalaking kompanya ng langis ng Amerika sa muling pagtatayo ng “sirang-sira” umanong industriya ng langis ng Venezuela upang makatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.
Ayon pa kay Trump, nakahanda na umano ang isang “mas malaki” at ikalawang bugso ng aksiyong militar, subalit hindi na kinailangang ipatupad dahil sa aniya’y tagumpay ng unang operasyon.
Kaugnay na Balita: Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!-Balita
ANG OIL RESERVES NG VENEZUELA
Malaki umano ang interes ni Trump sa Venezuela hindi lamang dahil sa politikal na implikasyon nito sa rehiyon, kundi higit sa lahat dahil sa napakalawak na reserba ng langis ng bansa. Tinatayang may hawak ang Venezuela ng humigit-kumulang 17 porsyento ng kabuuang global oil reserves, na katumbas ng 303 bilyong bariles, na pinakamalaki sa buong mundo.
Sinegundahan pa ito ng pahayag ng dating vice president ng US na si Kamala Harris, kung saan, sinabi niyang ang ginawang aksyon ni Trump laban sa Venezuela ay hindi tungkol sa droga o demokrasya.
"The American people do not want this, and they are tired of being lied to. This is not about drugs or democracy. It is about oil and Donald Trump’s desire to play the regional strongman,” saad ni Harris.
Dagdag pa niya, “If he cared about either, he wouldn’t pardon a convicted drug trafficker or sideline Venezuela’s legitimate opposition while pursuing deals with Maduro’s cronies.”
Ayon kay Harris, inilalagay umano ni Trump sa panganib ang batalyon ng Amerika.
“America needs leadership whose priorities are lowering costs for working families, enforcing the rule of law, strengthening alliances, and — most importantly — putting the American people first,” dugtong pa niya.
Kaugnay na Balita: Kamala Harris sa pag-atake ng US sa Venezuela: 'It is about oil!'
Ayon sa mga ulat, noong dekada 1970, umaabot sa 3.5 milyong bariles kada araw ang produksyon ng langis ng Venezuela. Ngunit dahil sa mahabang taon ng kakulangan sa pamumuhunan, maling pamamahala, at internasyonal na parusa, bumagsak ito sa average na 1.1 milyong bariles kada araw noong 2025.
Sa kasalukuyan, "Chevron" na lamang ang nag-iisang energy company mula sa US na patuloy na may operasyon sa Venezuela. Gayunman, nananatiling ganap ang embargo ng Amerika sa lahat ng langis ng Venezuela, na siyang malaking hadlang sa agarang pagbuhay ng industriya.
Sa kabuuan, ang interes ni Donald Trump sa Venezuela ay malinaw na nakaugat sa estratehikong halaga ng langis; isang yaman na, kung muling mapapakinabangan, ay maaaring magbago hindi lamang sa ekonomiya ng Venezuela kundi pati sa balanse ng kapangyarihan sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Bakbakang US-Venezuela, paano nga ba nagsimula; may epekto ba sa Pilipinas?