Sitcom sa tunay na buhay?
Ibinahagi ng aktor na si Mikoy Morales ang isang nakakatawa ngunit "honest mistake" ng kapwa niya aktor at kabilang sa sitcom na "Pepito Manaloto" na si John Feir, matapos magtungo sa simbahan para sana dumalo sa inaakalang kasal na sana ni Mikoy, at fiancee na si Isa.
Ayon kay Mikoy, tila naranasan ni John sa totoong buhay ang karakter nitong si “Patrick,” na kilala bilang hotdog expert sa long-running sitcom na Pepito Manaloto.
Sa Facebook post ni Miko, inakala raw ni John na noong Sabado, Enero 3, ang kasal nila ni Isa, na nakatakda naman sa Marso.
"Kung sinuman ang kinasal kaninang 4pm nang hapon sa Don Bosco, Makati - baka po pwedeng makahingi ng kopya ng SDE. Andun po si john feir, siya lang ang naka-Barong," ani Mikoy.
Kuwento pa ni Miko, "Sa March pa ang kasal at ang nakalagay sa invitation ay 'Please RSVP on or before Jan 3.' Eh 'Jan 3' lang yung nabasa."
"Ayun, dumating kanina. Pag dating niya lahat naka-suit, siya lang ang naka-Barong. Pina-gitna pa siya at ginandahan daw ng anggulo yung pagkuha sa kanya ng photo/video. Wala siyang nakilala at iba daw hitsura ng groom. Tsaka lang tumawag kay Electric Fans of Chariz Solomon para magtanong at magkwento at ayun nga, confirmed: Na-Patrick siya in real life."
"Kaya advance thank you sa pag punta, kuya John! I-kain mo na lang yan ng hatdog!"
"UPDATE: Siya lang yung naka-Barong AT yung groom. Buti hindi nalito yung bride.
Kalakip ng post ang screenshot ng naging pag-uusap nila ni John.
"sa sobrang pagmamahal ko sayo kala ko ngayon ang kasal mo," mababasa sa mensahe ni John.
Sa hiwalay namang post, nagbahagi ang Ikigai Studio ng litrato ni John na suot ang barong habang nasa loob ng simbahan, na lalo pang ikinatuwa ng mga netizen na sumusubaybay sa post.
Ang RSVP sa invitation ay isang paanyayang humihingi ng kumpirmasyon kung dadalo o hindi ang inimbitahang panauhin sa isang okasyon. Mula ito sa mga salitang Pranses na “Répondez s’il vous plaît”, na ang ibig sabihin sa wikang Filipino ay “Mangyaring tumugon” o “Pakiabisuhan kami ng inyong sagot.”