January 09, 2026

Home BALITA Internasyonal

Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!

Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!
Photo courtesy: via MB

Ipinahayag ni US President Donald Trump nitong Sabado (Linggo ng umaga sa Maynila) na umano’y magsasagawa ang United States ng pansamantalang pamamahala sa Venezuela matapos ang aniya’y “matagumpay” na overnight na operasyong militar na nagresulta sa pag-aresto kay Venezuelan President Nicolás Maduro at sa asawa nitong si Cilia Flores sa Caracas.

Batay sa mga ulat, sinabi ni Trump na nagsagawa umano ang sandatahang lakas ng US ng coordinate na pag-atake sa himpapawid, lupa at dagat sa kabiserang lungsod ng Venezuela noong Sabado ng gabi.

Aniya, nadaig ng operasyon ang military units na tapat kay Maduro at naaresto ang mag-asawa.

Dagdag pa ng pangulo, mananatili ang mga puwersa ng U.S. sa Venezuela hanggang sa maitatag ang isang bagong pamahalaan.

Internasyonal

Salamat sa ref! 2 mangingisda, 3 oras palutang-lutang sa ilog dahil sa bagyo

Binigyang-diin din niyang magsisilbi umanong “babala” ang operasyon sa sinumang grupo o indibidwal na magbabanta sa soberanya ng Amerika o sa buhay ng mga mamamayang Amerikano.

Ayon pa sa pangulo, nananatili ang embargo ng U.S. sa langis ng Venezuela at patuloy ang presensiya ng mga barkong pandigma ng Amerika sa rehiyon.

Sinabi rin niyang hawak pa rin ng U.S. ang “lahat ng opsiyong militar” habang pinangangasiwaan ang tinawag niyang panahon ng transisyon.

Ipinahayag ni Trump na ang pagtanggal kay Maduro ay katapusan na umano ng isang “diktadura,” at iginiit na malaya na ang mga Venezuelan matapos ang mga taong aniya’y politikal na panunupil.

Ayon sa Pangulo ng Amerika, nahaharap sina Maduro at Flores sa mga kasong pederal sa Southern District of New York kaugnay ng umano’y narco-terrorism at drug trafficking, at kasalukuyang inihahatid sa Estados Unidos para litisin.

Inakusahan din ni Trump si Maduro ng pamumuno sa isang kriminal na network na umano’y responsable sa malawakang pagpasok ng ilegal na droga sa US, gayundin sa paggamit ng mararahas na gang, kabilang ang grupong bilangguan na Tren de Aragua, para magsagawa ng krimen sa mga lungsod ng Amerika.

Idinagdag pa niya na umano’y sinamsam ng pamahalaan ng Venezuela ang mga imprastraktura ng langis na pag-aari ng mga kumpanyang Amerikano, na aniya’y nagdulot ng bilyong dolyar na pagkalugi. Ayon kay Trump, isasama ng U.S. ang malalaking kompanya ng langis ng Amerika sa muling pagtatayo ng “sirang-sira” umanong industriya ng langis ng Venezuela upang makatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.

Ayon pa kay Trump, nakahanda na umano ang isang “mas malaki” at ikalawang bugso ng aksiyong militar, subalit hindi na kinailangang ipatupad dahil sa aniya’y tagumpay ng unang operasyon.