January 06, 2026

Home BALITA

Jerry Gracio tinalakan Amerika: ’Umaasta na namang pulis pangkalawakan ang US!’

Jerry Gracio tinalakan Amerika: ’Umaasta na namang pulis pangkalawakan ang US!’
Photo courtesy: Jerry Gracio, Unsplash


Nagpahayag ng kaniyang sentimyento ang manunulat na si Jerry Gracio matapos ang napaulat na pag-atake ng Estados Unidos sa bansang Venezuela.

Kaugnay ito sa pag-aresto ng sandatahang lakas ng US kay Venezuelan President Nicolas Maduro at sa asawa niyang si Cilia Flores sa Caracas noong Sabado ng gabi, Enero 3, dahil umano sa “narco-terrorism.”

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakbakang US-Venezuela, paano nga ba nagsimula; may epekto ba sa Pilipinas?-Balita

Saad ni Gracio sa kaniyang social media post noong Sabado, Enero 3, wala naman daw siyang pakialam kay Maduro, ngunit may pakialam siya sa soberenyang mayroon ang bansang Venezuela.

“Wala akong paki kay Maduro. Pero may paki ako na ang isang sovereign state tulad ng Venezuela ay bigla na lang binomba at pinasok ng US,” ani Gracio.

Dagdag pa niya, “Dahil daw sa drugs? Maniwala naman kayo. Ang rason ay langis. Umaasta na namang pulis pangkalawakan ang US. Kapag walang umalma, ano ang isusunod nila? Mexico? This is an imperialist aggression. Period.”

Sa hiwalay namang social media post nitong Linggo, Enero 4, nanindigan si Gracio na walang karapatan ang sinumang bansa na sakupin ang isa pang nasyon—gaano man ito kalaki.

“So, okay lang sakupin ng US ang Venezuela dahil diktador naman at sira-ulo si Maduro? Sino ang nagbigay ng kapangyarihan sa US para maging pulis pangkalawakan? Si Shaider? Sinisira nito ang rules-based international order—na walang karapatan ang kahit sinong bansa, gaano man ang laki at kapangyarihan na lusubin at sakupin ang iba pang mga bansa,” aniya.

“Kapag hindi ito pinalagan, sino ang pipigil sa iba pang bansa tulad ng Russia na sakupin nang tuluyan ang Ukraine? So okay lang na lusubin ng China ang Taiwan o ang Vietnam? O ang Pilipinas dahil “bangag” naman ang Presidente? Kung binomba ng US ang Venezuela, ano ang isusunod nila? Malabon? Navotas? Caloocan?” pagtatapos niya.

Nauna nang nagsalita si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima kaugnay sa hidwaang naganap sa pagitan ng US at Venezuela. Aniya, “kaladkad” daw ang bansang Pilipinas dito.

“This reflects poorly on us as well, regardless of our own faithful adherence to international law, simply because the US is our ally,” ani Rep. De Lima.

MAKI-BALITA: 'This reflects poorly on us!' De Lima, sinabing ‘kaladkad’ PH sa ginawang atake ng US sa Venezuela-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA


Inirerekomendang balita