January 08, 2026

Home BALITA Internasyonal

Atas ng Supreme Court! Vice President, pansamantalang Presidente ng Venezuela

Atas ng Supreme Court! Vice President, pansamantalang Presidente ng Venezuela
Photo courtesy: Delcy Rodriguez (FB)/via MB

Magiging interim President o pansamantalang Pangulo ng Venezuela si Vice President Delcy Rodríguez upang gampanan ang mga nakabinbing tungkulin ng inarestong Pangulo na si Nicolás Maduro, sa naganap na military operations ng mga puwersa ng United States of America noong madaling-araw ng Sabado.

Ayon sa desisyon ng kanilang Supreme Court, pansamantalang ipapasa kay Rodríguez ang lahat ng kapangyarihan, tungkulin, at responsibilidad na kalakip ng posisyon ng pangulo upang matiyak ang tuloy-tuloy na administrasyon at ang komprehensibong depensa ng bansa.

Nilinaw ng Pinakamataas na Hukuman na ang hakbang ay ginawa bilang tugon sa “sapilitang pagkawala” ng Pangulo at upang mapanatili ang kaayusan ng estado.

Dagdag pa ng korte, isasailalim sa masusing deliberasyon ang usapin upang umano'y matukoy ang naaangkop na legal na balangkas na maggagarantiya sa pagpapatuloy ng Estado, pamamahala ng gobyerno, at pagtatanggol ng soberanya sa gitna ng kasalukuyang krisis pampulitika.

Internasyonal

Salamat sa ref! 2 mangingisda, 3 oras palutang-lutang sa ilog dahil sa bagyo

Gayunman, hindi pa idineklara ng mga mahistrado na permanenteng wala sa puwesto si Maduro, na isang desisyong ayon sa Saligang Batas ng Venezuela, ay mag-uutos ng pagsasagawa ng halalan sa loob ng 30 araw.

Sa halip, nilimitahan ng korte ang desisyon sa pansamantalang pag-ako ni Rodríguez bilang pinuno ng ehekutibo habang nililinaw ang mga susunod na hakbang sa ilalim ng batas.

Ang desisyon ng Korte Suprema ay inaasahang magbubukas ng panibagong yugto sa pulitika ng Venezuela, habang patuloy na minamatyagan ng lokal at internasyonal na komunidad ang magiging direksiyon ng pamahalaan sa mga susunod na araw.

Samantala, matatandaang idineklara ni US President Donald Trump na Amerika na muna ang pansamantalang mamamahala sa Venezuela. 

Ipinahayag ni Trump na ang pagtanggal kay Maduro ay katapusan na umano ng isang “diktadura,” at iginiit na malaya na ang mga Venezuelan matapos ang mga taong aniya’y politikal na panunupil.

Ayon sa Pangulo ng Amerika, nahaharap sina Maduro at Flores sa mga kasong pederal sa Southern District of New York kaugnay ng umano’y narco-terrorism at drug trafficking, at kasalukuyang inihahatid sa Estados Unidos para litisin.

Inakusahan din ni Trump si Maduro ng pamumuno sa isang kriminal na network na umano’y responsable sa malawakang pagpasok ng ilegal na droga sa US, gayundin sa paggamit ng mararahas na gang, kabilang ang grupong bilangguan na Tren de Aragua, para magsagawa ng krimen sa mga lungsod ng Amerika.

Idinagdag pa niya na umano’y sinamsam ng pamahalaan ng Venezuela ang mga imprastraktura ng langis na pag-aari ng mga kumpanyang Amerikano, na aniya’y nagdulot ng bilyong dolyar na pagkalugi. Ayon kay Trump, isasama ng U.S. ang malalaking kompanya ng langis ng Amerika sa muling pagtatayo ng “sirang-sira” umanong industriya ng langis ng Venezuela upang makatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.

Ayon pa kay Trump, nakahanda na umano ang isang “mas malaki” at ikalawang bugso ng aksiyong militar, subalit hindi na kinailangang ipatupad dahil sa aniya’y tagumpay ng unang operasyon.

Kaugnay na Balita: Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!