"Bagong taon pero parang walang nagbago."
Ito ang buod ng Facebook post ng komedyante at TV host na si Tuesday Vargas matapos niyang ibahagi sa social media ang ilan sa kaniyang mga “pet peeve” o kinaiinisang karanasan sa airport—mga asal ng ilang mga biyaherong Pinoy. na ayon sa kaniya, ay madalas makita lalo na sa mga flight na pauwi ng Pilipinas.
Sa kaniyang social media post sa verified Facebook account, inamin ni Vargas na nag-alinlangan siyang magsalita dahil posibleng makaranas ng batikos, ngunit iginiit niyang kailangang i-call out ang mga ganitong gawain upang magkaroon ng pagbabago.
Isa sa una niyang binanggit ay ang hindi maayos na pagpila ng ilang pasahero sa check-in counters. Ayon sa kaniya, nauunawaan niyang maaga pumila ang marami dahil sanay ang mga Pilipino sa mabagal na sistema at mahahabang pila.
Gayunman, hindi raw katanggap-tanggap ang pagbuo ng maraming pila na nakakaharang pa sa daanan.
Ikinuwento niya ang insidente kung saan hindi makagamit ng luggage tag machine ang isang dayuhan dahil sa mga nakaharang na gamit.
Nang magreklamo ang dayuhan, umano’y sinagot pa ito ng isang pasahero ng, “Kanina pa kami dito!” na ikinagulat ng ground staff. Umalis na lamang ang dayuhan habang umiiling, bagay na ikinahiya ni Vargas.
"Napaka agang pumila ng Pilipino sa airport kasi sanay tayo na mabagal ang systema at mahaba ang pila. Kaya 4 hours before minsan nasa check in counter na. Kaso ang di ko maunawaan is bakit po need natin gumawa ng mga as in MGA (plural) pila na minsan naka harang pa sa daan. May isang briton na di maka kuha ng luggage tag sa machine kanina kasi naka harang mga gamit ng mga nasa pila na hindi naman andun dapat. Nag sabi pa yung ale nung nag reklamo ang foreigner “aba eh kanina pa kami dito! Ano aalis kami para lang maka daan siya?” Natulala yung ground staff. Umalis na lang yung foreigner na umi iling iling. Medyo nakaka hiya po kasi pwede namang 1 line lang at doon sa maayos na parte na di nakaka sagabal dapat," saad niya.
Binanggit din niya ang isyu sa security check kung saan hiwa-hiwalay at may sobra-sobrang dala ang ilang pasahero, dahilan upang mas tumagal ang proseso. Paalala niya, malinaw ang patakaran sa hand-carry baggage at kung lalampas sa itinakdang timbang, kailangang magbayad. Aniya, ginagawa lamang ng airport at airline staff ang kanilang trabaho kaya nararapat lamang na sundin ang mga alituntunin.
"Ang mga bag sa security ay hiwa hiwalay, lalo tuloy nag tatagal. 7kg is policy. If you want more, you pay more. Yan ang sabi sa akin ng nasa check in. Pero sadyang matigas ang ulo ng mga Pinoy at galit pa kapag pag sasabihan. Ginagawa lang nila ang work nila, sumunod po tayo," giit niya.
Hindi rin pinalampas ni Vargas ang madalas na paglabag sa mga paalala ng flight attendants, tulad ng pananatiling nakaupo at hindi agad pagkuha ng bag habang hindi pa pinapayagan. Ayon sa kanya, paulit-ulit na itong ipinapaalala ngunit may mga pasaherong nagmamadaling tumayo at mag-unahan, kahit may malinaw na dahilan kung bakit may ganitong mga patakaran.
"Yung mga stand behind the yellow line, remain seated, do not stand up to get your bags yet mga 5 times inuulit ng mga FA at minsan may galit na. Kasi pagka lapag tatayo agad, unahan sa harap, na para bang minamadali. Lahat po tayo makaka labas, may rason why these rules are in place," aniya pa.
Pinakahuli niyang tinalakay ang isyu ng mga upuan sa waiting lounge, kung saan may mga pasaherong naglalagay ng bag sa bakanteng upuan at ayaw magpaupo ng iba.
Ikinuwento ni Vargas ang pansariling karanasan kung saan umano’y pinaalis pa ang kaniyang anak sa isang bakanteng upuan dahil muling inilagay ng isang babae ang bag nito upang walang makaupo. Aniya, walang umupo sa naturang upuan hanggang sa sila’y makasakay, bag lamang ang naroon, na sana, tao ang mga nakaupo.
"Last na, yung mga naglalagay ng bag sa upuan sa waiting lounge na akala mo ay personal nilang area yun at ayaw magpa upo ay sobrang di nakaka tuwa. May ale pa na binugaw ang anak ko kanina at nilagay nyang mariin ulet sa BAKANTEng upuan ang bag nya para di maka upo ang anak ko. Bakit po? Tanong ko lang, walang naka upo ayaw nyo pauupuan? Wala pong umupo doon hanggat sa maka board kami, bag lang talaga nung ale. Ang labo."
Sa huli, nanawagan si Vargas ng disiplina at pagsunod sa mga patakaran saan man naroroon.
Ayon sa kaniya, bukod sa nakakahiya, ang ganitong mga asal ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi umuunlad ang bansa.
"Yun lamang naman. Sana kahit pa nasan tayo, ano man lahi na kaharap natin, baguhin na natin yung kawalan ng disiplina. Bukod sa nakaka hiya ito, yan din ang rason bakit as a nation di tayo maka usad. WE NEED TO FOLLOW RULES. We need to start with ourselves kasi sa aking pag mamatyag ay talagang minsan TAYO na ang problema," banat pa niya.
Nagtanong din siya sa mga netizen kung ano naman ang "kuwentong airport" nila.
Narito ang ilan sa mga pagbabahagi ng netizens:
"This is very true Ms. Tuesday. As a Pinoy living in Japan, minsan nakakainggit talaga ang pagiging disiplinado ng mga Hapon, nakakapagtaka bakit hindi kaya ng Pinoy. Ang mindset kasi ng Hapon ay huwag makaabala ng kapwa nila lalo na sa public places. Mas inuuna nila ang kapakanan ng kapwa at nakararami."
"Kaya di umaasenso din ang Pinas dahil sa mga taong Hindi nasunod sa Batas or rules. Ganyan Ang iBang Pinoy para bang Mamatay Sila kung susunod sila sa rules. Kakahiya talaga."
"Baka dapat po paulit2x at focus sa level ng nursery gang grade school ang sumunod sa rules at protocols. Para habang bata pa lang, nakatanim na sa isipan ang kahalagahan ng pagsunod para sa maayos na komunidad at lipunan. Medyo nakakahiya nga ang ibang kababayan na hindi sumusunod."
"agree ako sa lahat ng observations mo sana mabasa ito ng lahat at sana may realization sa lahat ng tatamaan"
"Number 4 ang malala..true ang bag pa ang papaupuin..minsan ginagawa pang kama ang upuan..occupied ang isang hilerang upuan para tulugan nila..kalerkey."
"Yung alam na nila na 7Kg lang ang allowed hand-carry baggage, pagdating sa airport dun mag sosort out ng gamit, nakabuyangyang na at nakita na lahat ng laman ng mga luggages nila."
"Yan ang ugali lageng 'Feeling Entitled.' Just be considerate to others and always choose to be kind. Hindi naman siguro malaking kawalan sa pagkatao kapag ginawa yun."
"Real talk lang Ms. Tuesday Vargas most Filipino are so feeling privileged. Nakasanayan na natin siguro kasi mahilig Tayo magpalusot sa mga simpleng rules. CLAYGO, Bawal magtapon Ng basura, bawal tumawid, no parking just to name a few. I believe in you if we want discipline it must all start with ourselves. Just saying."