Pang-ilang init na ‘yang ulam niyo na galing pang Noche Buena at Media Noche?
Tuwing panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon, bukod sa mga palamuti at mga paputok, pabonggahan din ng mga handang pagkain sa hapag ang mga pamilyang Pinoy.
Mula sa spaghetti, graham, hotdog-on-stick na may marshmallow, hanggang sa fruit salad, hindi na kinakailangan mamalengke ng maraming nanay o tatay dahil kasya na sa ilang araw hanggang isang linggong pang-ulam ang mga handa.
Gayunpaman, alamin dito kung hanggang kailan lang ba dapat initin at kainin ang handa.
Graham
Ang sikat na desert na ito ay kamakailang naging patok sa mga pamilya dahil madali at masaya itong gawin.
Kamakailan pa nga’y tila nagkaroon ng “Mango Graham Contest” sa social media, kung saan makikita na noong bagong taon, iba’t iba ang naging inspo sa likod ng mga handang mango graham, tulad ng “flood control-inspired” at “mapa ng Pilipinas-inspired.”
Gayunpaman, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) at lathala sa Yummy.ph, ang Mango Float ay maaari lamang umabot ng hanggang tatlong araw sa ref at dalawang linggo naman sa freezer.
Matapos nito, malaki na ang posibilidad na magbago ang lasa nito o kaya’y mapanis, dahil sa mga sangkap nitong cream at gatas na maaaring pagmulan ng mga bacteria tulad ng Listeria at Salmonella; at mga sariwang mangga, na nabubulok at nabuburo sa katagalan.
Pasta
Mapa-spaghetti man ito, carbonara, o lasagna, ang pasta dishes ay classic na handa sa noche buena at media noche.
Kaya madalas naiimbak ito ng mga nanay at tatay sa ref nang ilang araw, at minsan pa nga’y linggo, dahil naniniwala sila na habang tumatagal, mas sumasarap daw ito.
Ayon sa Healthline, bagama’t nakatutulong ang lamig mula sa ref para mapahaba ang buhay ng pasta dishes, kalauna’y nagkakaroon ito ng amag.
Narito ang mga kilalang uri ng pasta at kung ilang araw ang buhay nito bago masira:
- Lasagna o iba pang cooked pasta na mayroong sauce: Limang araw
- Tortellini o iba pang stuffed pasta: Tatlo hanggang limang araw
- Gluten-free pasta: Tatlo hanggang limang araw
- Lentil-, bean-, o pea-based pasta: Tatlo hanggang limang araw
- Cooked wheat pasta: Tatlo hanggang limang pasta
- Fresh store-bought wheat pasta o bagong bili na wheat pasta: Isa hanggang tatlong araw
- Fresh homemade wheat pasta: Apat hanggang limang araw
Fruit Salad
Isa pa sa all-time favorite ng maraming Pinoy ay ang panghimagas na Fruit Salad, dahil bukod sa matamis at nakakatanggal umay mula sa mamamantikang pagkain, madali at mabilis rin itong gawin.
Ayon sa Love, Filipino Food website, ang inaabisong tamang storage duration ng fruit salad sa fridge ay hanggang isang linggo lamang.
Bukod pa rito, sa mga araw ng pagtatabi nito, dapat nakalagay sa isang airtight container ang fruit salad, o lalagyanan na malinis at hindi pinapasok ng hangin para hindi agad mapanis.
Lumpiang Shanghai
Ang bite-sized na handang madalas i-sharon ng marami, madalas wala talagang natitira sa mga Lumpiang Shanghai na inihahanda.
Ngunit kung napasobra ang luto, ayon sa Allrecipes, maaaring itabi sa ref ang lumpia hanggang apat na araw, sa loob ng isang airtight container o mahigpit na nakabalot sa loob ng foil.
Lechon
Ang putok-batok na handang ito ang “star” ng Pasko at Bagong Taon dahil sa angking linamnam nito, kumbaga, ang Lechon ang “guilty-pleasure” ng mga trentahin, kwarentahin, at senior citizens.
Ayon sa Food Safety and Inspection Service ng U.S Department of Agriculture (USDA), ang putahe na mayroong karne ng baboy ay inaabisong kainin lamang nang tatlo hanggang apat na araw, at ilagay sa loob ng ref, sa temperatura na 40°F o 4.444°C.
Mahalaga ring tandaan na habang pinapabagal ng refrigeration nito ang pagkakaroon ng bacterial growth, hindi ito napapatigil ng pagtatabi sa ref habang tumatagal.
Sean Antonio/BALITA