January 06, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakbakang US-Venezuela, paano nga ba nagsimula; may epekto ba sa Pilipinas?

ALAMIN: Bakbakang US-Venezuela, paano nga ba nagsimula; may epekto ba sa Pilipinas?
Photo courtesy: Unsplash


Kapapasok pa lamang ng 2026, ginulantang ng isang malaking balita ang mundo matapos arestuhin ng sandatahang lakas ng Estados Unidos sina Venezuelan President Nicolas Maduro at asawang si Cilia Flores noong Sabado ng gabi, Enero 3 sa Caracas.

Ito ay matapos magkasa ang sandatahang lakas ng Estados Unidos ng isang “coordinated attack” sa himpapawid, lupa, at dagat ng Caracas, Venezuela noong Sabado ng gabi, batay sa pahayag ni United States (US) President Donald Trump.

KAUGNAY NA BALITA: Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!-Balita

Kung iisipin, tila ba malaki talaga ang hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa. Paano nga ba ito nagsimula?

Ayon sa mga ulat, ang dalawang bansa ay humaharap na sa malaking sigalot noon pa mang pinamunuan ni Hugo Chavez ang Venezuela noong 1999, at si Bill Clinton naman sa Estados Unidos.

Kinagalitan ni Chavez ang US matapos ang mga pag-atake at pagsalakay nito sa mga bansang Afghanistan at Iraq. Lalo pang sumidhi ang oposisyon nito sa Amerika nang ito ay magsagawa ng isang “coup attempt” noong 2002, sa ilalim ng administrasyon ni dating US President George W. Bush.

Nang maging pangulo ng Venezuela si Maduro noong 2013, mas lalo lamang lumaki ang lamat sa dalawang bansa.

Sa ilalim ng administrasyong Trump, hindi umano niya kinikilala ang pagkapangulo ni Maduro, bagkus na kay Juan Guaido ang suporta nito, na siyang “speaker of the parliament” noong 2019.

Noon namang Hulyo 2024, natalo si Maduro sa ginanap na eleksyon sa kanilang bansa—dahil umano ito sa galit ng publiko at “authoritarian ruling” na mayroon si Maduro. Sa ilalim din ng kaniyang pamumuno, bumagsak ang ekonomiya ng Venezuela.

Dulot nito, kinilala ng US ang pagkapanalo ni Edmundo Gonzalez—ngunit sa isang “ferocious crackdown,” muling naibalik sa puwesto si Maduro.

Umano’y dahilan sa pagkakaaresto ni Maduro

Ayon pa sa ilang ulat, dinakip si Maduro, kasama ang kaniyang asawa, dahil umano sa mga kaso nito na may kaugnayan sa terorismo at ilegal na droga—kung kaya’t inaresto sila upang litisin.

Inakusahan din ni US President Donald Trump si Maduro na nag-oorganisa ng isang malawakang “narco-terrorist group” at “illegal immigration” sa US—na parte umano ng plano nitong “destabilisasyon” sa Amerika.

Lumulutang din ang ilang espekulasyon na ang kasalukuyang sigalot ay nag-ugat dahil sa isyu ng pakinabang sa langis, dahil sa malalaking "oil reserves" ng Venezuela.

Tinatayang hawak ng Venezuela ang humigit-kumulang 17% ng pandaigdigang oil reserves na katumbas ng 303 bilyong bariles. Habang umaabot sa 3.5 milyong bariles kada araw ang produksiyon ng bansa noong dekada 1970, bumagsak ito sa average na 1.1 milyong bariles kada araw lamang noong nakaraang taon.

Base sa ilang ulat, simula pa noong Setyembre 2025, nagkasa ng malawakang “airstrikes” ang US navy sa Venezuelan coast, na siyang naging dahilan upang makuha nito ang ilang Venezuelan oil tankers, at masawi ang aabot sa 110 na mga tao—na kinokondena ng ilang human rights group.

KAUGNAY NA BALITA: Kamala Harris sa pag-atake ng US sa Venezuela: 'It is about oil!'-Balita

May nalabag ba ang US sa ginawa nitong pag-aresto kay Maduro?


Ayon sa ilang ulat, maaring may nilabag ang US matapos nilang ikasa ang aprehensyon. Base sa pahayag ng ilang eksperto, nilabag ng Estados Unidos ang ilang “terms” sa United Nations (UN) Charter, na nilagdaan noong 1945.

Ayon sa probisyong ito, ang mga bansa ay hindi dapat gumamit ng “military forces” laban sa ibang bansa, bilang pagrespeto sa kanilang soberenya.

Nakasaad din dito na ang probisyong ito sa UN charter ay naglalayong wakasan at puksain ang mga posibilidad ng panibagong digmaang pandaigdig.

May epekto ba ang hidwaang US-Venezuela sa Pilipinas?

Wala pang ulat na nagsasabing may direktang epekto ang sigalot ng dalawang bansa sa Pilipinas—ngunit maraming grupo ang kumokondena sa ginawang aksyon ng US kontra Venezuela.

“The US government's kidnapping of President Nicolás Maduro constitutes a brazen act of state-sponsored abduction and military aggression, violating the UN Charter's prohibition on the use of force against sovereign states, principles of head-of-state immunity under customary international law, and Venezuela's territorial sovereignty,” ayon sa ibinahaging pahayag ng BAYAN - Bagong Alyansang Makabayan nitong Linggo, Enero 4.

Tiniyak din ng gobyerno ng Pilipinas na sila ay “closely monitoring” sa kasalukuyang sitwasyon ng Venezuela, upang siguruhin ang kaligtasan ng mga Pilipino roon.

Kasabay nito ang panawagan ng bansa para sa pagresolba ng isyu sa mapayapang paraan, kasunod ang pagdeklara ni Trump na Amerika na muna ang mamamahala sa bansang Venezuela.

Vincent Gutierrez/BALITA

Inirerekomendang balita